SOUTH COTABATO, Philippines – Nagdulot ng pagguho ng lupa ang malakas na ulan sa Barangay Landan, Polomolok, South Cotabato, na nagbaon sa ilang sasakyan at sumira sa mga ari-arian. Patuloy ang clearing operations noong Huwebes upang alisin ang putik at mga bato sa mga apektadong lugar.
Noong Miyerkules, hindi madaanan ang bahagi ng kalsada sa Purok Dam dahil sa malakas na baha, dahilan upang ma-stranded ang ilang motorista.
Ayon kay Barangay Kagawad Royce Pendatun, natabunan ng putik, bato at iba pang debris ang kalsada matapos ang tuloy-tuloy na malakas na ulan na nagsimula bandang alas-2 ng hapon. Aniya, nanggaling ang rumaragasang tubig sa dalisdis ng Mt. Matutum.
Sinabi rin niya na posibleng lumuwag ang lupa at mga bato dahil sa magnitude 7.8 na lindol noong Hunyo 8.
Isang top-down tricycle, motorsiklo at minivan ang natabunan ng putik at mga bato matapos rumagasa ang tubig sa isang resort.
Pinasok din ng baha at putik ang Sanol Ecotourism Resort, kung saan natabunan ng putik ang swimming pool at ang access road nito.
Agad namang nagpadala ng heavy equipment ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Polomolok upang linisin ang mga apektadong kalsada. Patuloy ang clearing operations. RNT/MDS