Para sa maraming kabataan, ang buhay ay isang canvas na naghihintay na mapuno ng makulay na mga pangarap at mithiin.
Ngunit para sa 24-anyoe na si Kenneth Roger Arguillon, ang canvas na iyon ay biglang nagambala ng isang malupit na katotohanan.
Ang kanyang masigla, kabataang at mga pangarap ay nauwi sa isang pakikibaka para mabuhay.
Na-diagnose na may Chronic Kidney Disease Stage 5 (CKD 5), 3 taon na ang nakararaan, ang buhay ni Kenneth ay nagkaroon ng hindi inaasahang pagbabago na sumubok, hindi lamang sa kanyang katatagan, kundi pati na rin sa lakas ng kanyang espiritu.
Si Kenneth, isang residente ng Quezon City, ay tulad ng maraming kabataan na puno ng pag-asa para sa hinaharap.
Noong 2018, bilang isang high school student, nagkaroon siya ng simpleng UTI, na sa tingin niya ay madaling magamot ng gamot. Nawala ang mga sintomas at nagpatuloy siya ngunit hindi alam ang mga seryosong isyu sa kalusugan na namumuo.
Noong 2021, sa panahon ng pandemya, si Kenneth ay nakatira sa Laguna, malayo sa kanyang tinatawag na tirahan, sinusubukang mag-navigate sa adulthood hanggang sa nagsimula ang mga problema.
Madalas nang sunakit ang kanyang ulo at nanlabo ang paningin. Sa pag-aakalang problema lang ito sa mata, nakakuha siya ng salamin ngunit hindi nagtagal, isang bagong sintomas ang lumitaw.
“May lumabas po na mga rashes sa buong katawan ko, ‘yung parang pantal-pantal,” aniya.
Mabilis na bumagsak ang kanyang kalusugan kaya napilitan siyang huminto sa trabaho at bumalik sa Quezon City. Noon, nawala na ang kanyang gana at nang bumisita sa doktor, natuklasan ang nagigimbal na balita: 3% na lang ng kanyang kidney function ang natitira, at ang dialysis ay apurahang kailangan. Sa pag-asang maiiwasan ito, itinigil ni Kenneth ang paggamot at sinubukan ang mga herbal na remedyo, ngunit lumala ang kanyang kondisyon.
“Ang suggestion po nila sa akin, mag-start na daw po ako ng dialysis… pero pagbalik namin ng clinic, mas lalo pong bumaba,” ayon sa binata.
Dinala ng pamilya ni Kenneth sa National Kidney and Transplant Institute, kung saan inirerekomenda ng mga doktor ang peritoneal dialysis. Ang life-saving na paggamot na ito ay nangangailangan ng malaking halaga ng salapi, mga bayarin sa ospital, dialysis, at mga gamot na kakailanganin ni Kenneth.
Mabuti na lamang at nakahanap sila ng pag-asa sa programang Malasakit Center, na pinasimulan ni Senator Bong Go.
“Malaki ‘yung tulong po talaga ng Malasakit Center kasi simula pa lang sa bayad ng hospital bill, sila na rin po ‘yung nag-shoulder, pati ‘yung gamot din po namin sa dialysis,” sabi ni Kenneth na may pagpapasalamat.
Para kay Kenneth, ang suportang ito ay higit pa sa isang kaluwagan—ito ay pangalawang pagkakataon niya sa buhay.
Si Go ang pangunahing may-akda at sponsor ng Republic Act No. 11463 o ang Malasakit Centers Act of 2019, na nag-institutionalize sa Malasakit Centers program.
Sa ngayon, 166 Malasakit Centers ang operational sa buong bansa na nakahandang tumulong sa mga gastusin sa pagpapagamot ng mga pasyente. Iniulat ng DOH na nakapagbigay na ng tulong ang Malasakit Center program sa halos 12 milyong Pilipino.
Inihain din ni Go ang Senate Bill No. 190, na kilala bilang “Free Dialysis Act of 2022”. Kung maaprubahan, ang panukalang batas ay mag-aatas sa PhilHealth na bumuo at mag-institutionalize ng isang komprehensibong dialysis benefit package na ganap na iko-cover ang lahat ng gastos sa hemodialysis at peritoneal dialysis treatments, sessions, at procedures sa PhilHealth-accredited health facilities.
“Kung walang naitatag na Malasakit Center, baka hindi ganito yung lagay ko ngayon or wala na ako ngayon dito kasi wala talaga kami pang gastos,” ayon kay Kenneth.
Para sa kanya, binigyan siya ng Malasakit Center ng panahon para mabuhay, oras para lumaban, at malaking pag-asa. RNT