Home NATIONWIDE Kandidatong Mayor sa Cagayan arestado sa droga

Kandidatong Mayor sa Cagayan arestado sa droga

IGUIG, Cagayan – Nakalista bilang High Value Target (HVT) sa anti-iilegal drugs campaign ng PDEA at PNP ang dinakip na si Iguig Sangguniang Bayan member Emerito “Boyet” Gasmen, 50 anyos at residente sa naturang bayan.

Ang SB Member ay nakahanay sa mga itinuturing na HVT sa lalawigan ng Cagayan. Sumama sa pagsilbi ng warrant of arrest na inisyu ni Quezon City RTC Branch 82 Judge Severino B. De Castro sina PDEA Regional Director Levi S. Ortiz , NBI CAVRO Director Atty. Victor John Paul H. Ronquillo at COP ng Tuguegarao Police Station na si Lt. Col. Pepito A. Mendoza Jr.

Sa mismong residential house ni Gasmen sa Ajat Iguig ng maabutan ito ng mga otoridad para isilbi ang mandamiento de aresto na naisyu pa noong July 12, 2010.

Nahaharap si Gasmen sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 na isinampa sa sala ni Judge De Castro.

Samantala, napapabalitang lalaban daw sa Mayoralty race sa Iguig si Gasmen nitong 2025 midterm election na mamanukin ni Cagayan 3rd District Representative Jojo Lara.

Walang itinakdang piyansa ang korte para sa pansamantalang kalayaan ni Gasmen. Rey Velasco