Home NATIONWIDE ‘Malasakit Para sa Kooperatiba’ ng CDA, suportado ni Bong Go

‘Malasakit Para sa Kooperatiba’ ng CDA, suportado ni Bong Go

MANILA, Philippines – Dumalo si Senator Christopher “Bong” Go sa “Malasakit Para sa Kooperatiba” event na pinangunahan ng Cooperative Development Authority (CDA) sa Quezon City at nangako ang senador ng patuloy na pagsuporta sa mga community-based cooperative sa buong bansa.

“Magtatrabaho po ako para sa Pilipino sa abot ng aking makakaya. Iyan naman po ang pwede kong ialay sa inyo,” ang sabi ni Go.

Ibinahagi ni Go ang kanyang adbokasiya para sa mga kooperatiba bilang isang pundasyon sa pag-unlad ng komunidad at katatagan ng ekonomiya. Ang tagumpay aniya ng mga kooperatiba ay instrumento sa pag-angat ng buhay ng kanilang mga miyembro at malaking ambag sa mga lokal na ekonomiya.

“Importante dito magtulungan po tayo, teamwork po ‘yan. Sa lahat ng cooperatives, kapag nagmalasakit tayo sa isa’t isa at magtulungan tulad ng ginagawa ninyo sa kooperatiba, mas lalago po ang inyong negosyo. Masarap po ang pakiramdam kapag pinaghirapan ang inyong negosyo,” sabi ni Go.

Sa pagkilala sa potensyal ng mga kooperatiba na humimok ng inclusive growth, binigyang-diin ni Go ang kanyang patuloy na suporta at bukas aniya ang kanyang opisina para sa anumang tulong na maaaring kanilang kailanganin.

“Uulitin ko lang po, bukas ang aking opisina para sa inyong lahat… Together, let us harness the power of cooperatives to create a more inclusive, resilient, and prosperous Philippines,” anang senador.

Si Go ang co-author at co-sponsor ng Republic Act No. 11502, na nagtalaga sa Oktubre bilang “National Cooperative Month.”

Bukod dito, co-author at co-sponsor din siya sa RA 11535, na nag-uutos sa pagtatatag ng Cooperatives Development Officer sa mga antas ng pamahalaang munisipyo, lungsod, at probinsiya.

Sa kanyang kapasidad bilang vice chair ng Senate committee on finance, itinaguyod din ni Go ang karagdagang pondo ngayong taon sa Human Capital Development Program ng Cooperative Development Authority para sa mga koperatiba.

Ang “Malasakit Para sa Kooperatiba” program ay nakitaan ng partisipasyon ng 23 kooperatiba, bawat isa ay tumatanggap ng suportang pinansyal mula sa CDA.

Kasabay ng okasyon, namahagi ng ayuda ang Malasakit Team ni Go sa mga kasapi ng kooperatiba.

Pinasalamatan ng senador ang mga lokal na opisyal na naroroon, kabilang sina Quezon City Mayor Joy Belmonte at Pinamalayan, Oriental Mindoro Councilor Mauro Helera sa kanilang serbisyo sa mga nasasakupan.

Pinasalamatan din niya ang mga opisyal ng CDA sa pangunguna ni Chair Joseph Encabo, gayundin ang mga pinuno ng kooperatiba na dumalo sa okasyon.

Pinuri naman ni Mayor Belmonte si Go sa pagsasabing “Lagi po niya kaming dinadalaw, kinakamusta at hindi niya kami iniiwan kahit kailan. Kaya totoo sa kanya, ang salitang ‘walang iwanan’.”

Nagalak si Belmonte at umaasa na ang tulong pinansyal na ibinigay ng CDA, sa pamamagitan ng suporta ni Go, ay makatutulong sa pagbangon at pagpapasigla ng mga kooperatiba na naapektuhan ng pandemya. Ngayon aniya ay magpapasigla ito sa buhay ng kanilang mga kasapi.

Pinapurihan din siya ni CDA chairperson Joseph Encabo at nagpahayag para sa matatag na pangako ng senador sa kilusang kooperatiba.

Binigyang-diin niya ang hindi natitinag na “malasakit at serbisyo” ni Go na aniya’y malaki ang naitutulong sa pag-unlad ng mga kooperatiba sa bansa. RNT