Home METRO Malaysian national buking sa ninenok ng P10K

Malaysian national buking sa ninenok ng P10K

Bunsod ng reklamo ng isang babae ay inaresto ang isang Malaysian national na interpreter matapos makuha sa kanyang posesyon ang nawawalang pera ng biktimang P10,000 sa Pasay City Martes ng hapon, Hulyo 9.

Kinilala ni Pasay City police officer-in-charge P/Col. Samuel Pabonita ang inarestong suspect na si alyas Lee, 36, residente ng Almanza Metropolis Condominium sa Las Piñas City.

Base sa isinumiteng report ni Pabonita sa Southern Police District (SPD), naganap ang pag-aresto kay alyas Lee dakong alas 4:30 ng hapon sa ikalimang palapag ng Double Dragon na matatagpuan sa panulukan ng EDSA at Macapagal Blvd., Brgy. 76, Pasay City.

Ayon kay Pabonita, nawala ang perang itinago ng biktima na si alyas Charito sa kanyang drawer at kanyang itinuturo ang suspect na kumuha nito.

Pinigilan na ng driver ng biktima na si alyas Ralph ang suspect na makaalis sa lugar hanggang sa rumesponde na ang mga pulis.

Sa naganap na komprontasyon ng biktima at ni alyas Lee sa harap ng mga rumespondeng pulis ay nakuha ang pera na nagkakahalaga ng P10,000 sa posesyon ng huli kung kaya’t tuluyan na itong inaresto.

Nahaharap sa kasong theft ang suspect na kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Pasay City police. (James I. Catapusan)