MANILA, Philippines – Binawi ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla nitong Martes ang nauna niyang pahayag na tinanggihan na ang asylum application ni dating presidential spokesperson Harry Roque sa Austria.
“I was wrong,” pag-amin ni Remulla sa mga mamamahayag matapos ang deliberasyon sa panukalang 2027 budget ng DILG sa Kamara. Sinabi niyang batay sa pinakahuling impormasyon, hindi pa aprubado o tinatanggihan ang aplikasyon ni Roque.
Noong Setyembre 15, sinabi ni Remulla na na-deny na umano ang asylum bid ni Roque dahil lumampas na ito sa karaniwang processing period, bagay na agad itinanggi ng dating Palace spokesperson.
Ayon sa Austrian Federal Ministry of the Interior, karaniwang nagdedesisyon ang Federal Office for Immigration and Asylum sa isang standard asylum application sa loob ng anim na buwan. Gayunman, hindi nakasaad na awtomatikong itinuturing na denied ang aplikasyon kapag lumampas sa naturang panahon.
“So under the eyes of the law, he still does not have asylum,” ani Remulla.
Sa deliberasyon sa Kamara, sinabi rin ni Camarines Sur 4th District Rep. Arnie Fuentebella, na tumayong sponsor ng budget ng DILG, na nananatiling walang desisyon sa asylum application ni Roque.
Samantala, ayon kay Fuentebella, naisumite na ng Philippine Center on Transnational Crime ang mga dokumentong hinihingi ng Interpol kaugnay ng kahilingan ng Pilipinas para sa Red Notice laban kay Roque.
Nahaharap si Roque sa qualified human trafficking case kaugnay ng umano’y operasyon ng POGO hub sa Porac, Pampanga. Itinanggi niya ang mga alegasyon at iginiit na politically motivated ang mga kasong isinampa laban sa kanya. RNT