Home NATIONWIDE Malinaw na patakaran sa pagbebenta, pagsasanla ng unregistered car ipinakakasa ni Poe...

Malinaw na patakaran sa pagbebenta, pagsasanla ng unregistered car ipinakakasa ni Poe sa LTO

MANILA, Philippines- Inatasan ni Senador Grace Poe ang Land Transportation Office (LTO) na tiyakin na malinaw ang patakaran sa plano nitong pagpaparusa sa pagbebenta at pagsasanla ng hindi rehistradong sasakyan.

Sinabi ni Poe na dapat matiyak ang ahensya na may malinaw na sistema na naikasa upang maayos at mapadali ang implementasyon ng patakaran.

“Dedicated personnel must be ready to attend to vehicle owners who will personally file the sale. An online system of registration that is interconnected in all LTO offices should be available for easier transactions,” ayon sa senador.

Ipinalabas ni Poe ang kahilingan matapos ihayag ng LTO na kailangang maiparehistro muna ang lahat ng sasakyan sa ahensya bago ibenta o isanla upang matiyak ang tamang impormasyon sa registration database.

Ayon sa ahensya, nakatakang ipatupad ang pagpaparusa sa pagbebenta at pagsasanla ng unregistered car sa kalagitnaan ng Hunyo.

Inihayag ni LTO chief Assistant Secretary Vigor Mendoza II na mahalaga ang bagong patakaran kasunod ng pagpatay sa isang opisyal ng LTO at isang fatal road rage incident sa Makati City.

Aniya, parehong hindi rehistrado ang sasakyan na sangkot sa krimen na naibenta sa iba.

Giit naman ni Poe na kahit maganda ang intensyon ng bagong patakaran, dapat sapat ang preparasyon na kakailanganin upang matiyak na hindi mabibigatan ang may-ari sa karagdagang multa na ipapataw ng LTO.

“Hindi kailangang magpadalos-dalos sa mga polisiya. Mas mahalaga na maayos at subok na ang sistema bago ipatupad,” ani Poe. Ernie Reyes