MANILA, Philippines – “As pillars of democracy, members of the media play a critical role in ensuring transparency, accountability, and the free flow of information.”
Ito ang sinabi ni Senator Christopher “Bong” Go, miyembro ng Senate committee on public information, sa kanyang pakikiisa sa Radio Mindanao Network Station Managers Conference noong Miyerkules na ginanap sa Golden Phoenix Hotel sa Lungsod ng Pasay.
Nagsama-sama sa limang araw na kumperensya ang 62 radio station management leaders sa buong bansa upang mapabuti ang kapakanan ng mga mamamahayag at brodkaster habang pinalalakas ang mga istasyon ng radyo sa bansa.
May temang “Revolutionizing Media Now”, itinampok sa okasyon ang kritikal na papel na ginagampanan ng media sa pagsusulong ng transparency, kalayaan sa pamamahayag at demokrasya.
Sinabi ni Go na ang mga okasyong tulad nito ay nagbibigay ng napakahalagang plataporma para sa pagtutulungan, pag-uusap, at pagpapalitan ng mga ideya.
Sa pamamagitan aniya ng pagsasama-sama, pinatitibay ng pinagsamang responsibilidad na itaguyod ang kalayaan sa pamamahayag habang pinapanatili ang pinakamataas na pamantayan ng propesyonalismo sa pamamahayag.
Sa pagkilala sa mga sakripisyo at hamong kinakaharap ng mga manggagawa sa media, inihain ni Go ang Senate Bill No. 1183, kilala rin bilang “Media and Entertainment Workers Welfare Act.”
Layon nito na bigyan ng pinahusay na proteksyon, seguridad, at mga benepisyo ang media practitioners, kinabibilangan ng health insurance coverage, overtime and night differential pay at iba pang insentibo.
“I am also proud to share that we have made significant strides in protecting the rights of those in the entertainment industry. Nilagdaan kamakailan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Republic Act No. 11996, na kilala rin bilang ‘Eddie Garcia Law,’ na kasama ako sa pag-akda,” pahayag ni Go.
Tinitiyak ng batas na ito ang mas magandang kondisyon sa pagtatrabaho para sa mga manggagawa sa entertainment at binibigyang-diin ang mga kontribusyon sa kultura at ekonomiya ng sektor na ito sa ating bansa.
Noong nakaraang admninistrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte, nilikha ang Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) upang patunayan ng dating Presidente ang kanyang pangako na poproteksyonan ang media.
Ito ay matapos ang kamakailang Global Impunity Index na inilathala ng Committee to Protect Journalists (CPJ), kung saan inilagay ang Pilipinas sa ika-9 mga bansa na ang pagpatay sa mamamahayag ay madalas na walang parusa.
Ipinapakita ng ranking ang Pilipinas kasama ng mga bansa tulad ng Somalia, Iraq, at Mexico, bilang mapanganib para sa mga mamamahayag. RNT