Home NATIONWIDE Mandatory evacuation sa paligid ng Bulkang Kanlaon, target palawakin

Mandatory evacuation sa paligid ng Bulkang Kanlaon, target palawakin

MANILA, Philippines – Plano ng mga awtoridad na palawakin pa ang mga lugar na sakop ng mandatory evacuation malapit sa Bulkang Kanlaon lalo na sa banta ng isang potensyal na mabuong bagyo sa susunod na linggo.

Sa ulat, sinabi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na ang Bulkang Kanlaon ay nagbubuga ng 4,000 tonnes ng sulfur dioxide kada araw mula nang sumabog ito noong Lunes.

Nakapagtala rin ang PHIVOLCS ng 30 volcanic earthquakes sa nakalipas na 24 na oras.

Sa kabila nito, sinabi ng ahensya na masyado pang maaga para malaman kung iaangat pa sa Alert Level 4 ang babala sa bulkan.

“We will assess this on a day-to-day basis but again Alert Level 3, ibig sabihin niyan hazardous eruption is possible within the next few weeks. But of course, we will have to evaluate this one. Titignan natin kung mag eescalate pa further,” pahayag ni PHIVOLCS chief Teresito Bacolcol.

Ipinatutupad ang mandatory evacuation sa loob ng six-kilometer permanent danger zone.

“The LGUs should urge the public to prepare for possible alerts. Step up to Alert Level 4 should the activity persist or worsen so dapat yung mindset natin hindi natin iisipin na we will, the Alert Level will be lowered down but we should prepare as if the alert level will go up,” ani Bacolcol.

Pinag-aaralan din ng mga awtoridad ang pagpapalawak pa ng mga lugar na sakop ng mandatory evacuation dahil sa banta ng ashfall at lahar.

“We are doing already a worst case scenario planning wherein umaabot na yung ating planning ng hanggang 10 kilometers. So, pagdating kasi sa worst case scenario na nasa 10km na yung extended PDC umaabot na sa halos 139,000 individuals yung kailangang ilikas so that will require additional evacuation centers, require additional food assistance and the like,” ayon kay Office of Civil Defense Assistant Secretary Bernardo Rafaelito Alejandro IV.

Handa naman umano ang Department of Social Welfare and Development sa mga ilikikas na evacuees. RNT/JGC