Home NATIONWIDE Mangingisda patay sa tama ng kidlat sa pump boat

Mangingisda patay sa tama ng kidlat sa pump boat

MANILA, Philippines – Patay ang isang mangingisda nang tamaan ng kidlat ang sinasakyan nitong pumpboat sa dagat sa Bogo City, northern Cebu nitong hapon ng Linggo, Marso 30.

Nagtamo ng matinding sunog sa katawan si Ronilo Galecia Balunan, residente ng Barangay Nailon, Bogo, ayon kay Police Capt. Amory Piedra Napoles, deputy station commander ng Bogo City Police Station.

Samantala, kasalukuyan namang ginagamot sa mga tinamo ring pinsala sa katawan sa Vicente Sotto Memorial Medical Center sina Eugene Olidiana Bolambao at Jeremias Jalang Balunan na nakasakay din sa pumpboat.

Ayon sa pulisya, 10 mangingisda ang sakay ng bangka na patungo sana sa Albuera, Leyte.

Bigla na lamang itong tinamaan ng kidlat bandang alas-2 ng hapon habang naglalayag.

Matinding tinamaan ng kidlat ang tatlong mangingisda at agad na hinimatay.

Nagdesisyon naman si Abel Anoba Antigua, ang boat skipper, na bumalik sa Bogo matapos ang pangyayari.

Dinala sa ospital ng City Disaster Risk Reduction and Management Office ang mga biktima ngunit idineklarang patay si Ronilo. RNT/JGC