PALAWAN, Philippines – Nagpalutang-lutang nang matagpuan ang bangkay ng isang mangingisda matapos lapain at tangayin ng buwaya habang natutulog ito sa kanilang bangka, noong Miyerkules sa karagatang sakop ng Bataraza.
Sa isinagawang search and rescue operation ng mga tauhan ng Coast Guard Station Southern Palawan, PNP Maritime Group, at mga barangay personnel, kinilala ang biktimang si Leonardo Sanchez Casio, 21-anyos, at residente ng Taytay Palawan.
Kwento ng mga kasamahan ng biktima, naganap ang insidente madaling araw ng Miyerkules Oktubre 15, 2025 habang sila ay nangingisda sa ilog na sakop ng Sitio Marabahay, ng nabanggit na barangay.
Anila, natutulog ang biktima sa bangka ng bigla na lamang nilang nakitang sinakmal ng buwaya ang ulo ng biktima saka tinangay sa parteng bakawan ng dagat.
Hanggang sa hindi na nila ito nakita pa dahilan para humingi na sila ng tulong sa mga awtoridad.
Kinabukasan, Oktubre 16, 2025, nakita na lamang ng mga awtoridad ang bangkay ng biktima na nagpapalutang-lutang sa dagat habang hindi na naispatan ang buwaya. /Mary Anne Sapico