USAP-USAPAN ngayon ang mga video nina dating Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Secretary Suharto “Datu Teng” Mangudadatu at ang anak niyang si Datu Pax Ali Mangudadatu, ang gobernador ng Sultan Kudarat.
Naghayag ng kanilang sama ng loob itong mag-amang Mangudadatu laban kay Special Assistant to the President Anton Lagdameo dahil sa umano’y “panghihimasok” sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Ang nakatatandang Mangundadatu ay inaakusahan si SAP na nagkakamal ng bilyong piso mula sa sa pondo ng BARMM at binabalaan siyang tumakbo sa pulitika.
Ang anak naman niyang si Gov. Pax ay hayagan nang ibinulgar na “tinatakot at hinaharas” na ni SAP Lagdameo ang kanilang mga mayor kung ang mga ito ay susuporta sa mga Mangundadatu.
“Hindi ‘yan ang pag-uugali ng isang Bagong Pilipino. Tatakut-takutin ang ating mga mayor, haharasin sila kundi sasama sa utos ng Malacañang. Hindi ba ni-name-drop pa ang Pangulo? Kakasuhan ka namin, tatanggalan ka namim ng mga body guard, pakukulong ka namin, iri-raid ka namin!” ang sabi pa ng batang gobernador.
Anoman ang pinag-mulan ng sigalot sa pagitan ng mga Mangundadatu at ni SAP Lagdameo, pihadong makasisira ito sa imahe ng Pangulo.
Kailangang maplantsa agad ito, baka maging apoy ang usok, ika nga.
Kaya ngayon palang, lumalabas na hindi mainit sa pulitika ang Maguindanao dahil sa election season, kundi dahil sa ang naglalaban ay Mangundadatu vs Lagdameo.
Huwaw ha?!






