NAGANAP kamakailan sa 4th Floor ng National Press Club building ang isang forum na binuo ng ilang organisasyon ng mga guro at dinaluhan ng kanilang miyembro bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng World Teacher’s Day 2024. Pinangunahan ito ng E-Net Philippines na pinamumunuan ni Pres. Carla Santos at kasamang dumalo na nagbigay pa ng kaniyang opening remarks ang kasama nating si Pres. Leonel “Boying” Abasola ng National Press Club of the Philippines.
Nakaupo sa panel discussion sina Serafin Molina ng Teachers’ Inc., Edelwisa Puri ng Action and Solidarity for the Empowerment of Teachers (ASSERT), Jonalyn Arao ng Alternative Learning System (ALS) Manila Teachers, Ana Marie Felizardo ng Gurong Nagbabalik sa Bayan, Caren Maca ng Lakas HS-Botolan, Zambales, Marcelino Decena ng PSLINK at iba pa.
Naging mainit ang bawat paksa sa forum kasi nga naman, magpasahanggang ngayon ay hindi pa rin lubusang nakakamit ng mga guro ang kanilang panawagang maisaayos ang kanilang mga pangangailangan at magkaroon ng proteksyon sa kanilang pagtatrabaho.
Isa nga naman dito ay ang isyu sa piloting ng MATATAG curriculum na may 45 minute load sa bawat klase. Dahil sa curriculum na ito, naging 7+1 load mula sa dating 5+1 load ang dagdag na trabaho ng mga guro. Ibig sabihin, karagdagang stress din ito at posibleng exhaustion dahil sa matinding preparasyon.
Bigla ko tuloy naalala dear readers ang ating naging karanasan bilang dating assistant professor sa isang private school noong araw. Binigyan ako ng 7 subjects kaya grabeng stress ang ating binaka dahil sa walang humpay na preparasyon kada araw kaya damang-dama natin ang hirap ng ganitong sitwasyon.
Marami pang mga hinaing ang mga guro at kabilang din dito ang kakulangan ng mga kagamitan lalo na sa public schools. Eh ‘yung occupational safety and health na karapatan nila, “MATATAG” naman kaya?
Sana naman huwag palampasin nina Senator Sherwin Gatchalian na Chairperson ng Senate Committee on Basic Education, Culture and Arts at Secretary Sonny Angara ng Department of Education ang ganitong problema sa ating educational system.
Sa kabila ng kagalingan, katapatan at dedikasyon ng mga guro, nasa likod noon ang mga karaingan at hindi nareresolbang hazards na maaaring makapagpababa ng kanilang moral at motibasyon. Huwag nating hayaang sukuan nila ang araw-araw na pagtitiis at pagtitimpi. Dahil kapag bumigay ang kanilang katawan at pag-iisip, siguradong babagsak hindi lamang ang kanilang marka sa pagtuturo kundi pati na rin ang kalidad ng edukasyon para sa mga kabataang Pilipino.
Happy World Teachers’ Day, SIRS and MA’AMS!






