Home METRO Manhunt inilunsad sa bumaril sa abogado at barangay kagawad sa Makati

Manhunt inilunsad sa bumaril sa abogado at barangay kagawad sa Makati

2
0

MANILA, Philippines – Nagsasagawa na ng manhunt operation ang pulisya laban sa hindi pa nakikilalang lalaki na bumaril at nakasugat sa isang abogado at kagawad ng Barangay Santa Cruz sa tapat ng bahay nito sa Barangay Olympia, Makati City, Huwebes ng umaga.

Ayon sa Makati City Police, nangyari ang pamamaril bandang alas-8:05 ng umaga sa Zapote Street.

“Merong barilan kanina at nagkataon na itong nabaril ay isang kagawad ng kabilang barangay, which is Barangay Santa Cruz,” sinabi ni Barangay Olympia Executive Officer Reynaldo Oczon.

Nasa loob ng kanilang bahay ang asawa ng biktima nang makarinig ito ng malakas na putok. Ipinaalam sa kaniya ng isang kapitbahay na binaril ng isang lalaking naglalakad sa lugar ang kaniyang asawa bago tumakas.

Nadatnan ng asawa ang barangay kagawad na may tama ng bala sa ulo at agad humingi ng tulong. Rumesponde ang mga tauhan ng barangay habang isang pribadong sasakyan ang nagdala sa biktima sa ospital.

“Rumesponde naman agad yung ating mga bantay-bayan at pagdating nila doon ay agad namang may kunuha na private car sa nabaril na kagawad,” ani Oczon.

Patuloy na ginagamot ang biktima, ngunit iniulat na maayos ang kalagayan nito.

“Okay naman na yung kagawad. Sana magtuloy-tuloy,” ani Oczon.

Inilarawan ang suspek na nakasuot ng asul na bull cap, itim na hoodie jacket, maong na pantalon at tsinelas. Nakita umano itong tumakas patungo sa Novaliches Street.

Nagsasagawa ang mga imbestigador ng backtracking sa mga CCTV footage at crime scene processing upang matukoy ang suspek at motibo sa pamamaril. Gayunman, sinabi ni Oczon na hindi gumagana ang mga CCTV ng Barangay Olympia dahil kasalukuyang kinukumpuni ang mga ito.

“Frankly speaking, sa amin po kasi ngayon, under maintenance yung aming CCTV,” aniya.

Kinondena ni Makati City Mayor Nancy Binay ang pamamaril at inatasan ang Makati police na agarang imbestigahan ang kaso at arestuhin ang mga responsable. Pinalakas na rin ang presensya ng pulisya sa Barangay Santa Cruz at mga karatig na lugar.

“Nasa pangangalaga ngayon ng mga doktor si Kagawad De Ocampo. Nakikiisa po tayo sa panalangin para sa kanya at sa kanyang pamilya. Kaagad na nakipag-ugnayan ang pamahalaang lungsod sa kanila, at nakahanda tayong tumulong sa anumang kanilang pangangailangan,” ani Binay.

“Pinapalakas na rin natin ang presensya ng pulisya sa Sta. Cruz at sa mga karatig na barangay habang nagpapatuloy ang imbestigasyon,” dagdag niya.

Ayon sa Southern Police District, nakadeploy na ang mga tauhan ng Police Substation 1 at Investigation and Detective Management Section ng Makati City Police Station para sa tuloy-tuloy na follow-up operations at pagsusuri sa mga CCTV footage.

Nanawagan din ang SPD sa publiko na magsumbong ng anumang impormasyong makatutulong sa imbestigasyon.

Bukod sa pagiging barangay kagawad, may law firm din si De Ocampo. Kamakailan lamang siyang nakapasa sa Bar Examinations at naging abogado noong Pebrero 2026.

Tumanggi muna ang pamunuan ng Barangay Santa Cruz na magbigay ng pahayag habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here