Home TOP STORIES Senador Villar: AFASA, nagdudulot na ng konkretong resulta; mahigit 500 kaso naisampa...

Senador Villar: AFASA, nagdudulot na ng konkretong resulta; mahigit 500 kaso naisampa na laban sa scammers

1
0

Pasay City — Ikinatuwa ni Senador Mark A. Villar, ang Principal Awthor ng Anti-Financial Account Scamming Act (AFASA), ang patuloy na bunga ng batas sa kampanya laban sa online financial crimes, kasunod ng mahigit 500 kasong naisampa laban sa mga scammer at iba pang sangkot sa online financial fraud.

Isang taon matapos maging batas ang AFASA, iniulat ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na ang Philippine National Police (PNP) ay nakapagsampa na ng mahigit 500 kaso laban sa mga scammer, fraudsters, money mules, at iba pang sangkot sa mga panloloko gamit ang financial accounts.

“Bilang Principal Sponsor ng AFASA noong 19th Congress at Chairman ng Senate Committee on Banks, Financial Institutions and Currencies, ipinasa natin ang batas na ito upang tulungang mabawi ang perang na-scam sa mga biktima ng financial crimes.” ani Villar.

“Mahigit 500 kaso na ang naisampa laban sa mga scammer—patunay na may pangil na ang AFASA. Bilang Principal Author ng batas, ikinagagalak kong makita na mas mabilis nang nakakakilos ang ating mga law enforcement agencies upang habulin at papanagutin ang mga kriminal na nagnanakaw ng pinaghirapang pera ng ating mga kababayan,” dagdag pa niya.

Ayon sa senador, isinulong ang AFASA hindi lamang upang palakasin ang kampanya ng pamahalaan laban sa online financial crimes, kundi upang tiyakin din na mas magiging responsable ang mga bangko at iba pang financial institutions sa pagprotekta sa pinaghirapang pera ng ating mga kababayan.

Sa ilalim ng AFASA, binigyan ang mga bangko at iba pang financial institutions na nasa ilalim ng pangangasiwa ng BSP hanggang Hunyo 2026 upang i-upgrade ang kanilang mga sistema at magpatupad ng mas mahigpit na fraud management measures, kabilang ang mas advanced na pagtukoy sa kahina-hinalang transaksyon at mas matatag na authentication para sa mga high-risk transactions.

Ngayong tapos na ang itinakdang compliance period, maaaring managot ang mga institusyong hindi tumalima sa kinakailangang pamantayan sa seguridad at maaari silang obligahing na bayaran ang mga kliyenteng naloko kung mapatunayang nagkulang sila sa pagpapatupad ng sapat na fraud management systems.

Binigyang-diin din ni Villar na nagbibigay ang AFASA ng mas mabilis na remedyo para sa mga biktima ng online scams sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa mga bangko na agad na pansamantalang i-hold ang mga kahina-hinalang transaksyon upang maiwasang mailabas ang ninakaw na pondo habang isinasagawa ang imbestigasyon.

“Hindi lamang pagpaparusa sa mga scammer ang layunin ng AFASA. Mahalaga ring matulungan agad ang mga biktima. Kaya binibigyan ng batas ng mas mabilis na paraan upang maharang ang mga kahina-hinalang transaksyon at mapigilan ang tuluyang pagkawala ng kanilang pinaghirapang pera,” dagdag ni Villar.

Muling tiniyak ng senador ang kanyang pangako na patuloy na babantayan ang ganap na pagpapatupad ng AFASA upang higit pang mapalakas ang tiwala ng publiko sa digital financial system ng bansa.

“Habang patuloy na nagbabago ang teknolohiya, kailangan ding patuloy na umunlad ang ating mga batas. Bilang Principal Author ng AFASA, sisiguraduhin nating ganap itong maipatutupad laban sa mga online scammer at mapanatili ang tiwala ng publiko sa ating digital financial system, Asahan nyo rin po ang patuloy nating pagsusulong ng mga batas at reporma para sa mas ligtas na banking sector sa bansa” pagtatapos ni Villar. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here