Home HOME BANNER STORY ‘Manibela’ kakasuhan ng QCPD!

‘Manibela’ kakasuhan ng QCPD!

(c) Danny Querubin/Remate File Photo

MANILA, Philippines – Sinabi ng Quezon City Police District (QCPD) na sasampahan ng kaso ang mga miyembro ng transport group na “Manibela” dahil sa paglabag sa mga batas sa dalawang araw na transport strike sa Quezon City noong Abril 15 at 16.

Pinangunahan ni “Manibela” chairperson Mario Valbuena ang protest rally laban sa Public Utility Vehicle (PUV) phase-out program ng gobyerno.

Ang rally ay sinamahan ng 70 public utility jeepney (PUJ) na may tinatayang 600 kalahok na humarang sa mga pangunahing kalsada tulad ng Commonwealth Avenue, East Avenue, at Quezon Avenue.

Ayon sa QCPD, sinubukan nilang kausapin si Valbuena, ngunit tumanggi itong makipagtulungan at piniling balewalain ang mga direktiba na ilipat ang kanilang protesta sa isang freedom park.

Idinagdag nito na nabigo ang transport group na magpakita ng permit mula sa pamahalaang lungsod, na isang paglabag sa batas sa public assembly.

Ang mga aksyon ng transport group ay nakagambala sa daloy ng trapiko at nagdulot ng abala sa mga commuters at nagresulta sa kaguluhan sa mga lansangan.

Naisumite na ng QCPD sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Land Transportation Office (LTO) ang mga natukoy na plate number ng mga PUJ na humarang sa mga pangunahing kalsada para sa tamang administratibong aksyon.

Kakasuhan din ang mga miyembro ng transport group ng alarm and scandal, resistance at disobedience, at direct assault sa isang ahente ng person in authority. Santi Celario