MANILA, Philippines – Sinabi ng transport group na MANIBELA na pansamantala nilang itinigil ang mga protest rally, pero tuloy pa rin ang transport strike o tigil-pasada.
“Wala lang pong protest pero tuloy pa rin ang tigil pasada,” ayon kay MANIBELA chairperson Mar Valbuena.
Dagdag niya, ginagamit ang pansamantalang paghinto ng protesta para ayusin at i-update ang masterlist ng mga driver na isusumite sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
“Habang naka-stop, may mga inaayos po kaming mga masterlist para sa pag-update sa [Land Transportation Franchising and Regulatory Board],” sabi pa niya.
Ayon kay Valbuena, bumisita siya sa LTFRB noong Miyerkules matapos siyang imbitahan ng ahensya.
Nagsagawa ng nationwide transport strike noong Martes ang MANIBELA at PISTON upang ipanawagan ang aksyon ng gobyerno sa patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina.
Hinihiling ng mga grupo ang pagbaba ng presyo ng fuel at ang pagtanggal ng 12% value-added tax at excise tax sa diesel upang mabawasan ang pasanin ng mga transport worker. RNT/MND