Home METRO Manikurista, mister laglag sa P3M shabu

Manikurista, mister laglag sa P3M shabu

GENERAL SANTOS CITY- Shoot sa kulungan ang isang manikurista at mister nito matapos makuhanan ng higit sa P3 milyong halaga ng hinihinalang shabu sa isinagawang drug buy-bust operation ng mga awtoridad, kaninang madaling-araw sa lungsod na ito.

Nakakulong ngayon sa lock-up cell ng Police Station 1 ang mag-asawang suspek na sina alyas Dodong Sano, 46 at Rose, 19, kapwa residente ng Purok Fatima, Brgy. Dadiangas West, General Santos City.

Sa pinagsamang operasyon ng RPDEU 12, PDEG-SOU12, RSOG 12, RID 12 at PS1, GSCPO, bandang ala-1:08 ng umaga nitong Sabado, Nobyembre 9, 2024 nang madakip ang mga suspek sa Purok Silway Fatima, barangay Dadiangas West, General Santos City.

Sinabi ng pulisya na ang mga suspek ay tinagurian high value at street level individual at nakuha sa mga suspek ang 516 gramo ng hinihinalang shabu at tinatayang nagkakahalaga ng P3,502,000.

Nakuha din sa mga suspek ang buy-bust money na P5,000.

Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa illegal drugs o RA 9165 ang mga suspek. Mary Anne Sapico