Home METRO Manila City Council, magkakaroon ng kapangyarihang magparusa sa mga pasaway na opisyal

Manila City Council, magkakaroon ng kapangyarihang magparusa sa mga pasaway na opisyal

3
0

MANILA, Philippines – Hindi na lamang paggawa ng mga ordinansa at resolusyon ang magiging pangunahing tungkulin ng mga miyembro ng 13th Manila City Council dahil magsisilbi na rin silang tagapagpatupad ng disiplina laban sa mga lokal na opisyal na nahaharap sa mga reklamong administratibo.

Ito ang inihayag ni Vice Mayor Chi Atienza sa pakikipagpulong sa mga opisyal at miyembro ng Manila City Hall Press Club (MCHPC) nitong Biyernes, kung saan sinabi niyang nakatakdang ipatupad sa unang pagkakataon ang isang Internal Rules of Procedure (IRP) para sa quasi-judicial function ng konseho.

Ayon kay Atienza, sa pamamagitan ng IRP ay magkakaroon ng malinaw na proseso ang City Council sa pagdinig ng mga kasong administratibo laban sa mga barangay at iba pang lokal na opisyal, kabilang ang pagpapataw ng kaukulang parusa kapag napatunayang may paglabag.

Sinabi ng bise alkalde na mahalagang hakbang ito upang magkaroon ng mas matibay na mekanismo ng “check and balance” sa pamahalaang lungsod at matiyak na may pananagutan ang mga halal na opisyal sa kanilang mga aksyon.

Inihayag din niya na mayroon nang apat na barangay chairmen na nasuspinde ng konseho dahil sa mga kasong administratibo. Isa sa mga ito ay personal pang lumapit sa kanya upang alamin ang dahilan ng ipinataw na suspensiyon.

Ayon kay Atienza, matapos niyang ipaliwanag ang mga naging paglabag at ang legal na batayan ng parusa, nauunawaan ito ng nasabing barangay chairman at tinanggap ang naging desisyon ng konseho.

Sa bagong sistemang ito, inaasahang mas paiigtingin ng Manila City Council ang pagpapanagot sa mga opisyal na mapatutunayang lumabag sa kanilang tungkulin habang pinapalakas ang integridad at transparency sa pamamahala ng lungsod. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here