NEW YORK, USA – Isang 38-anyos na Pilipino ang hinatulan ng mahigit apat na taong pagkakakulong sa Estados Unidos matapos gumamit ng ninakaw na pagkakakilanlan ng mga Amerikano at magpanggap na US citizen upang makasakay sa isang cruise ship papuntang Alaska.
Ayon sa US Attorney’s Office sa Alaska, si Enrico Ronquillo ay nagkunwaring US citizen nang sumakay sa cruise ship sa Seattle noong Mayo 11, 2025. Gumamit umano siya ng pekeng California driver’s license at birth certificate na naglalaman ng personal na impormasyon ng isang biktima.
Nalaman din ng mga imbestigador na gumawa at gumamit siya ng pekeng IRS Form W-9 na may pangalan, lagda, address, at Social Security number ng biktima.
Nabunyag ang kanyang ginawa nang inspeksyunin ng US Customs and Border Protection (CBP) ang barko pagdating nito sa Juneau, Alaska noong Mayo 14, 2025. Nakumpiska sa kanya ang dalawang birth certificate at isang California driver’s license na pinaniniwalaang peke.
Natuklasan din ng mga awtoridad na gumamit siya ng credit card information ng ibang tao upang makakuha ng pera habang nagsusugal sa casino ng barko.
Noong Pebrero 19, 2026, umamin si Ronquillo sa kasong false impersonation of a US citizen at aggravated identity theft.
Bukod sa pagkakakulong ng mahigit apat na taon, inatasan din siyang sumailalim sa isang taong supervised release, magbayad ng mahigit $25,000 bilang kabayaran sa mga biktima, at haharap sa deportation proceedings matapos makumpleto ang kanyang sentensiya.
“Identity theft and false impersonation threaten the security of our communities and the trust placed in our processes,” ayon kay CBP Director of Field Operations David A. Salazar
Dagdag niya, patuloy na makikipagtulungan ang CBP sa iba pang law enforcement agencies upang mahuli at mapanagot ang mga taong nagsasamantala sa sistema. RNT/MND