MANILA, Philippines – Nanawagan si Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa mga kawani ng pamahalaang lungsod, lalo na ang mga frontliner na nagtatrabaho sa labas, na magdoble-ingat laban sa matinding init ng panahon matapos umabot sa 41°C ang heat index sa Metro Manila nitong Lunes, Abril 27.
Sa kanyang talumpati sa flag-raising ceremony sa Manila City Hall, binigyang-diin ng alkalde na kabilang sa pinaka-exposed sa matinding sikat ng araw ang mga tauhan ng Department of Public Services, Manila Traffic and Parking Bureau, Engineering Department, Estero Rangers, Pasig Rangers, at ang mga naka-deploy sa kahabaan ng Roxas Boulevard.
“Mag-iingat kayo. Lagi niyong iisipin, kailangan niyong pangalagaan din ang inyong sarili,” paalala ni Domagoso sa mga kawani ng lungsod.
Direkta ring kinausap ng alkalde si Manila Police District (MPD) chief Gen. Arnold Santiago, at hiniling na paalalahanan ang mga pulis na unahin ang kanilang kaligtasan habang ginagampanan ang tungkulin sa gitna ng matinding init.
Ang naturang babala ay kasabay ng nararanasang El Niño phenomenon na nagdudulot ng matagal na tagtuyot at mas mataas kaysa normal na temperatura sa Pilipinas at iba pang bahagi ng Southeast Asia.
Ayon sa state weather bureau na DOST-PAGASA, ang 41°C na heat index ay kabilang sa kategoryang “Extreme Caution,” kung saan posibleng makaranas ng heat cramps at heat exhaustion ang mga tao.
Dahil dito, hinikayat ng alkalde ang lahat na uminom ng maraming tubig sa buong maghapon, at huwag mangamba sa madalas na pag-ihi.
“Huwag kayong matatakot na ihi kayo nang ihi, basta uminom kayo ng marami,” aniya.
Sa pagtatapos ng kanyang mensahe, tiniyak ni Domagoso na pansamantala lamang ang matinding init at inaasahang darating din ang mas malamig na panahon.
“Ilang araw na lang, darating naman ang Agua de Mayo. Lalamig din ang panahon,” saad ng alkalde. JAY Reyes