MANILA, Philippines – Maagang sinuspinde ng Manila City Government ang face-to-face classes mula Kindergarten hanggang Senior High School sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan sa Maynila ngayong Biyernes, Agosto 14.
Iniutos ni Manila City Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso ang suspensyon kasunod ng rekomendasyon ng Manila City Disaster Risk Reduction and Management Department (MCDRRMD) dahil sa umiiral na Yellow Rainfall Warning at posibilidad ng thunderstorms sa lungsod.
Layunin ng hakbang na matiyak ang kaligtasan ng mga estudyante, guro at school personnel sa gitna ng masamang lagay ng panahon.
Pinayuhan naman ang mga paaralan na ipatupad ang Alternative Delivery Mode (ADM) upang maipagpatuloy ang pag-aaral ng mga estudyante habang suspendido ang face-to-face classes.
Hinimok din ang mga magulang, estudyante at guro na manatiling alerto at sumubaybay sa mga susunod na abiso ng Manila LGU at mga kinauukulang ahensya hinggil sa lagay ng panahon. JAY Reyes