MANILA, Philippines – BILANG pakikiisa ng pamahalaang lungsod ng Maynila sa mga mamamayan ng Cebu at iba pang lugar na tinamaan ng Bagyong Tino, nagbigay ng P1 milyon donasyon ang lokal na pamahalaan sa pamumuno ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso sa pamahalaang panlalawigan at hinihimok ang mga residente na mag-ambag para sa agarang tulong sa mga biktima.
Sa Facebook Live ni Domagoso, nagpahayag ito ng pakikiramay sa mga biktima ng Bagyong Tino, na sinabi ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na nag-iwan ng hindi bababa sa 66 katao ang nasawi, 10 ang nasugatan, at 26 ang nawawala sa buong Visayas at Mindanao hanggang alas-11 ng umaga nitong Miyerkules.
Sa mga nasawi, 49 ang naiulat sa Cebu dahil sa baha, pagguho ng lupa, at mga bumagsak na debris.
“Nakakalungkot, sa Cebu, hindi pa ho sila nakakabangon halos sa naganap na lindol. Ngayon naman po’y hinambalos sila ng bagyo,” ani Yorme.
Ibinahagi din ni Yorme ang sinabi ni Cebu Governor Pamela “Pam” Baricuatro na ang Bagyong Tino ay mas malala kaysa sa bagyong Odette, na naglalarawan kung paano tumaas nang husto ang tubig-baha sa lalawigan sa loob ng ilang minuto.
Nagpaabot naman ng pakikiramay si Yorme sa mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay at tiniyak sa mga Cebuano na ang kabisera ng lungsod ay kasama nila sa dalamhati at sa kanilang pagbangon.
“On behalf of the people of Manila, kami po ay taos-pusong nakikiramay at nakikiisa sa lahat ng pamilyang naapektuhan ng bagyo,” ani Domagoso.
“The least thing that we can do is to share what we have, to be a good fellow to our fellow citizens, fellow Filipinos,” dagdag pa ng alkalde.
Samantala, hinimok naman ng alkalde ang mga Manilenyo, mga lokal na negosyo, at mga Pilipino sa ibang bansa na mag-ambag sa anumang halaga na kanilang makakaya kung saan ipinakita sa screen ng FB live ni Yorme ang opisyal na mga detalye ng LandBank account ng pamahalaang panlalawigan ng Cebu.
Landbank ng Pilipinas
Pangalan ng Account: Lalawigan ng Cebu
Account Number: 3172-1038-03
“Wala pong maliit, wala pong malaki. Bawat tulong sa kapwa ay mahalaga,” ani Domagoso.
“Muli, ito po ang inyong lingkod, si Yorme po, na nananawagan sa ating lahat dito sa Lungsod ng Maynila at sa ating mga kababayan sa abroad — tulungan po natin ang ating mga kababayan sa Cebu. Manila. God bless,” pagtatapos ni Yorme. JAY Reyes