MANILA, Philippines – Nag courtesy call si dating senator at Filipino boxing icon na si Manny ‘Pacman’ Pacquiao kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Malakanyang, araw ng Huwebes.
Si Pacman ang kasalukuyang nangunguna bilang top-rated welterweight boxer matapos ang kaniyang laban kontra kay WBC reigning champion Mario Barrios.
Base sa pinakabagong listahan ng WBC, kasama ni Pacquiao sa nasabing listahan ang mga pambato ng France na si Souleymane Cissokho na nasa rank 2, ang Mexicanong si Raul Curiel sa rank 3, si Conor Benn ng Great Britain na nasa rank 4 at Egidijus Kavaliauskas ng Lithuania sa rank 5.
Bagama’t bigo niyang masungkit kay Barrios ang WBC title, nagawa naman ni Pacquiao na iukit muli ang kaniyang pangalan sa welterweight division matapos ang kaniyang pagreretiro noong 2021 at ngayo’y pinakamatanda sa kanilang dibisyon.
Sa darating na Disyembre ay inaasahang muling tatapak sa boxing ring si Pacman bagama’t wala pang kumpirmasyon kung sino kina Gervonta Davis o Rolly Romero ang kaniyang makakatunggali. /Kris Jose