Home METRO Manok ban sa 2 bayan sa Leyte

Manok ban sa 2 bayan sa Leyte

LEYTE- Mahigpit na ipinagbabawal ngayon ang pagpasok ng mga manok sa dalawang bayan sa probinsyang ito dahil sa sakit na Avian flu o H5N1 makaraang tamaan ng nasabing sakit ang iang poultry farm sa Kananga, Leyte.

Ayon kay Palompon Mayor Ramon Oñate, ipinagbabawal munang pumasok sa kanilang bayan ang mga manok mula sa Kananga para hindi na sila mahawaan pa ng avian flu.

Naniniwala rin ang alkalde na posibleng apektado ng naturang virus ang ibang mga lugar, taliwas sa mga pahayag ng Department of Agriculture (DA) na napigilan ang avian flu.

Aniya, dismayado siya na hindi ipinaalam sa kanya ng mga opisyal ng DA ang tungkol sa avian flu dahil nalaman lamang niya ito sa pamamagitan ng social media.

Inamin ng alkalde na siya ay nagmamay-ari ng DBSN, ang pinakamalaking poultry farm sa Eastern Visayas na may humigit-kumulang 50,000 manok na kinakatay araw-araw para ibenta.

Kinumpirma ng DA noong Marso 25 ang pagkakaroon ng avian flu sa Leyte, partikular sa Leyte Poultry Development Corp., at umabot sa 60,000 manok ang pinatay saka inilibing para masugpo ang naturang sakit.

Sa bayan naman ng Matag-ob, nagpalabas rin ng kautusan si Mayor Bernardino Tacoy, na mahigpit ang pagpasok ng mga manok sa kanilang bayan mula sa Kananga at iba pang lugar para protektahan ang kanilang poultry industry.

Ang pagbabakuna ng manok sa buong bayan ay isasagawa din upang maprotektahan ang kanilang manok mula sa pagkakaroon ng virus.

Sinabi ni Tacoy na nasa 400 manok mula sa isang poultry farm sa kanilang bayan ang naiulat na namatay, ngunit hindi pa ito kumpirmadong namatay sa nabanggit na sakit o kaya ay posibleng sa matinding init na nararanasan ang maaring ikinamatay ng mga ito.

Aniya, hinihintay na lamang nila ang inspeksyon mula sa Provincial Veterinary Office.

Ang mga may-ari ng buhay na manok na may sanitary permit mula sa kani-kanilang veterinary office ay papayagang makapasok sa Matag-ob.

Hindi rin nakaligtas ang sabong sa nasabing lugar at mahigpit muna itong ipinagbabawal ng alkalde upang makatulong na maiwasan ang pagkalat ng virus. Mary Anne Sapico

Previous articleBarangay tanod patay sa rambulan, 3 sugatan
Next articleAgresibong aksyon ng Tsina sa WPS tinalakay ng PH, US national security advisers