San Jose del Monte, Bulacan — Arestado ang isang 44-anyos na mekaniko matapos umanong tutukan ng baril ang isang 14-anyos na estudyante habang ito’y naglalakad sa Barangay Minuyan Proper, gabi ng Mayo 7.
Kinilala ng pulisya ang suspek na si alyas “Wella,” binata at residente ng parehong barangay. Ayon sa imbestigasyon, bandang alas-11:00 ng gabi nang salubungin umano ng lasing na suspek ang biktima at walang pasabing tinutukan ito ng baril.
Dahil sa takot, agad na tumakbo ang menor de edad at humingi ng saklolo sa pinakamalapit na presinto. Mabilis na rumesponde ang mga pulis at agad na naaresto ang suspek.
Narekober mula kay Wella ang isang kalibre .45 na baril na may limang bala. Siya ay kasalukuyang nakakulong sa istasyon ng pulisya at nahaharap sa kasong kaugnay ng illegal possession of firearm at grave threat. (Dick Mirasol III)