MANILA, Philippines – BINIGYANG -DIIN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pangangailangan para sa mapayapang pagdaraos ng halalan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa susunod na taon.
Sinabi ni Pangulong Marcos, ang electoral process ang susi para sa kapayapaan sa Mindanao.
Inihayag ito ng Pangulo sa kanyang naging pagdalo sa 2nd Joint National Peace and Order Council (NPOC)-Regional Peace and Order Councils (RPOCs) meeting for 2024 sa Camp Crame sa Quezon City, araw ng Huwebes.
Sa naturang pulong, muling inulit ni Pangulong Marcos ang pangangailangan sa pagsunod sa non-escalatory approaches sa West Philippine Sea (WPS).
Nauna rito, sinabi ni Pangulong Marcos na hindi magpapadala ang Pilipinas ng Navy warships sa WPS sa kabila ng kamakailan lamang na pang ha-harass ng Tsina.
Binigyang diin din nito ang hakbang ng bansa na ituloy ang resupply mission at protektahan ang territorial rights nito.
Sinabi pa rin niya na ipagpapatuloy ng Pilipinas ang pagtataguyod sa mapayapang resolusyon sa regional issue.
Samantala, muling inorganisa ng Executive Order (EO) No. 773, s. 2009 ang NPOC para pangasiwaan ang ‘integrated peace and order efforts’ ng pamahalaan at magbigay ng forum para sa isang interdisciplinary dialogue para tugunan ang mga isyu na nakaaapekto sa kapayapaan at kaayusan.
Ang RPOC, sa kabilang dako, inorganisa sa pamamagitan ng EO No. 773 para irekumenda ang mga hakbang para paghusayin o ayusin ang peace and order at public safety initiatives at i-orchestrate ang internal security efforts ng ‘civil authorities, military, at kapulisan.’ Kris Jose