Home NATIONWIDE Maraming Pinoy nagiging interesado sa AI courses

Maraming Pinoy nagiging interesado sa AI courses

303
0

MANILA, Philippines – Maraming Pilipino ang gustong matuto tungkol sa Artificial Intelligence (AI) ngunit natatakot din na mapalitan nito.

Ayon sa bagong datos mula sa online learning platform na Coursera, ngayong taon, may isang Pilipino na nag-eenroll sa kursong generative AI tuwing pitong minuto—higit sa doble ng bilis kumpara noong nakaraang taon (isang learner kada 15 minuto).

Itinala ng Coursera na may 125,000 enrollments sa generative AI mula sa Pilipinas ngayong taon. Pinaka-interesado ang mga tao sa kursong inaalok ng Google, IBM, at DeepLearning.AI.

Dalawang AI courses ang nakapasok sa top 10 popular courses sa bansa: “AI for Everyone” ng DeepLearning sa ika-4 at “Introduction to AI” ng Google sa ika-10.

Ayon kay Ashutosh Gupta, managing director ng Coursera para sa Asia at Pacific, “Nakikita namin ang patuloy na interes sa AI, data, cybersecurity, at essential workplace skills—isang kombinasyon na tutulong sa Pilipinas na maging mas digital at globally competitive.”

Mabilis din ang paglago ng mga kursong nakatuon sa practical AI, tulad ng prompt engineering at paggamit ng AI para mapabuti ang paghahanap ng trabaho at productivity.

Sinabi ng Coursera na ang datos na ito ay nagpapakita ng “lumalaking pangangailangan para sa mga propesyonal na kayang gamitin ang AI sa polisiya, operasyon, at human development.”

Mas interesado ang mga Pilipino sa mga kurso tungkol sa data foundations, project management, at cybersecurity—lalo na ang mga inaalok ng Google na nanguna sa enrollment mix ngayong 2025.

Kasama rin sa top 10 courses ang mga nontech na kurso tulad ng digital marketing at e-commerce, mental tools, at mga wika gaya ng Korean at English.

Ayon kay Gupta, “Unti-unti nang binubuo ng mga Filipino learners ang digital at professional skills na magbubukas ng mas maraming oportunidad at long-term career growth.”

Ipinapakita ng datos ng platform na may epekto ang mga enrollment na ito: 95% ng mga Pilipinong nag-aral ang nag-ulat ng positibong career outcomes, kabilang ang pagkakaroon ng bagong trabaho o pag-angat sa kasalukuyang trabaho.

Samantala, 98% ang nagsabing may personal na benepisyo, tulad ng mas mataas na kumpiyansa at sense of achievement. May 39% din na nagsabing bumuti ang kanilang job performance matapos ang kursong natapos.

Kabilang sa pinakamabilis lumaking skills ngayong taon sa Pilipinas ang AI-assisted productivity, operational efficiency at project execution, cybersecurity at digital resilience, communication at collaboration, at human capital development.

Ito ay kasabay ng mga hamon sa trabaho dulot ng AI. Ayon sa pag-aaral ng International Monetary Fund, 30% ng mga trabaho sa Pilipinas ay apektado ng AI, at 14% ng mga manggagawa ang nanganganib na mapalitan. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here