MANILA, Philippines – Iginiit ni Senator Rodante Marcoleta nitong Miyerkoles na “illegal” ang pag-aresto at pagkakakulong ng dating pangulong Rodrigo Duterte sa The Hague, at hinimok si dating DFA secretary Enrique Manalo na pag-aralan ang usapin habang haharap ito sa tungkulin sa United Nations.
“Sa aking pananaw, illegal ang pag-aresto, pagkakakulong, at posibleng paglilitis kay dating Pangulong Duterte sa The Hague… base sa konteksto ng Rome Statute,” ani Marcoleta sa confirmation hearing ni Manalo.
Tugon ni Manalo, wala nang opisyal na ugnayan ang Pilipinas sa ICC mula nang umatras ito sa Rome Statute noong 2019, ngunit nananatiling tapat sa mga kasunduang pangkarapatang pantao.
“Nevertheless, the Philippines will always remain committed to all the human rights conventions and agreements that we are parties to and we will also of course, follow our own national domestic laws,” ayon sa dating kalihim ng Department of Foreign Affairs (DFA).
“I’m expecting na dahil naman sa tungkulin mo sa United Nations, baka makapag-tanong tanong ka naman kung ‘yung naganap na pangyayari ay talagang regular o dapat nating bigyan ng masusing pag-aaral. Baka naman nagkamali ang nakagawa ng ganito,” ang naging tugon naman ni Marcoleta kay Manalo.
Binanggit din niyang bukas si Pangulong Marcos Jr. sa posibilidad ng pag-usbong ng talakayan ukol sa muling paglahok sa ICC.
Inaresto si Duterte sa Pilipinas noong Marso 11 batay sa warrant ng ICC at kasalukuyang nakakulong sa Scheveningen Prison dahil sa kasong crimes against humanity kaugnay ng drug war killings.
Giit ni Marcoleta, nilabag ng ICC ang sarili nitong patakaran at dapat sa Pilipinas litisin ang dating pangulo. RNT