Home NATIONWIDE Marcos admin namahagi ng P1.2M tulong sa mga apektado ni ‘Aghon’

Marcos admin namahagi ng P1.2M tulong sa mga apektado ni ‘Aghon’

MANILA, Philippines- Namahagi ang pamahalaan ng mahigit P1.2 milyong halaga ng humanitarian assistance sa mga Pilipinong apektado ni Bagyong Aghon, ayon kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong Lunes.

Sa X (dating Twitter), sinabi ni Marcos na naghanda rin ang pamahalaan ng mahigit P3 bilyong standby funds at stockpiles upang matiyak ang mas malawak at mas mabilis na tulong para sa mga apektado.

“Asahan nating patuloy ang ating mga ahensya sa pagsuporta sa bawat komunidad at pagtiyak sa maayos na kalagayan ng ating mga mamamayan,” wika ng Pangulo.

Hinikayat ni Marcos ang mga Pilipino nitong Linggo na maging alerto at unahin ang kaligtasan sa gitna ng patuloy na pagbayo ni Aghon sa bansa.

Aniya, inatasan na niya ang local government units, emergency services, at lahat ng kaukulang ahensya upang bantayan ang sitwasyon at magbigay ng kinakailangang tulong, kabilang ang food at non-food items, at health services.

Hanggang alas-8 ng umaga nitong Lunes, itinaas ang Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 2 sa southeastern portion ng Isabela (Dinapigue, Palanan), at sa northern portion ng Aurora (Dilasag, Casiguran) sa patuloy na pagkilos ni Aghon sa northeastward direction sa Philippine Sea.

Ikinasa rin ang TCWS No. 1 sa ilang lugar sa Luzon.

Suspendido naman ang in-person classes sa ilang lokalidad nitong Lunes dahil kay Aghon. RNT/SA