Home METRO Marcos sa LGUs: Marikina waste management system, tularan

Marcos sa LGUs: Marikina waste management system, tularan

1
0

MANILA, Philippines — Hinikayat ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga lungsod at munisipalidad sa bansa na tularan ang integrated solid waste management system ng Marikina City bilang bahagi ng pagtugon sa problema sa basura at pagbaha.

Ginawa ni Marcos ang pahayag matapos inspeksyunin nitong Lunes, Setyembre 7, ang Centralized Materials Recovery Facility (MRF) at Marikina River Linear Park sa Barangay Sto. Niño.

Tinawag ng Pangulo ang sistema ng Marikina na isang magandang halimbawa ng “circular economy” dahil nire-recover at nire-recycle ang mga basurang maaari pang mapakinabangan sa halip na tuluyang itapon.

“At ito ay dapat ang maging template at nagiging template na ngayon sa lahat ng iba’t ibang lungsod sa Pilipinas, lalong-lalo na siyempre dito sa NCR,” ani Marcos.

Kabilang sa sistema ng lungsod ang garbage segregation at collection, recycling at recovery, pagpapatupad ng no-build zones sa paligid ng ilog at paggamit ng trash catchers upang mabawasan ang basurang napupunta sa mga daluyan ng tubig.

Ayon sa Presidential Communications Office, kayang magproseso ng pasilidad ng hanggang 200 tonelada ng dry waste kada araw. Ang biodegradable waste ay ginagawang compost habang ang ilang plastic, Styrofoam at iba pang materyales ay ginagawang mga kapaki-pakinabang na produkto.

Binigyang-diin ni Marcos na mahalaga ang maayos na pamamahala ng basura hindi lamang sa flood mitigation kundi pati sa pangangalaga sa kapaligiran, lalo na sa harap ng epekto ng climate change.

Nanawagan siya sa iba pang local government units, partikular sa mga lungsod na nahaharap sa problema sa basura at pagbaha, na bumuo ng kahalintulad na integrated ecological solid waste management system.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here