MANILA, Philippines – Nakatakdang magsagawa ng bilateral meeting sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at US President Donald Trump sa sidelines ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit sa Pilipinas sa susunod na linggo.
Ayon kay Department of Foreign Affairs-ASEAN Office Executive Director Dominic Imperial, inaasahang darating si Trump sa Maynila sa Nobyembre 17.
Hindi pa inilalabas ng DFA ang agenda ng pagpupulong, ngunit nauna nang nagpahiwatig si Defense Secretary Gilberto Teodoro na may kasunduang posibleng ipahayag sa pagbisita ng US President.
Kabilang dito ang command and control initiative na mahalaga umano sa pagpapalakas ng cyber at information technology resilience ng Pilipinas, gayundin sa pagbabahagi ng classified information sa mga katuwang na bansa.
Ayon kay Teodoro, hindi cash grants ang mga posibleng tulong kundi kagamitan at kakayahan.
Inaasahan ding dadalo si Trump sa ASEAN-US Special Summit, kung saan tatalakayin ng lider ng Amerika at mga pinuno ng Southeast Asia ang mahahalagang usapin.
Bukod kay Trump, inaasahan ding makikipagpulong nang bilateral si Marcos sa mga lider ng Australia, Brazil, Japan at South Korea. RNT/MDS