Home HOME BANNER STORY “Kayo ang kinabukasan ng bayang ito”: Bong Go, nagpaabot ng tulong sa...

“Kayo ang kinabukasan ng bayang ito”: Bong Go, nagpaabot ng tulong sa 868 college students sa Rizal

3
0

RIZAL, Philippines – Hinikayat ni Senator Christopher “Bong” Go ang mga estudyante na magsikap sa pag-aaral at ihanda ang sarili bilang mga susunod na lider ng bansa sa pamamahagi ng tulong sa 868 college students mula sa Angono at Binangonan, Rizal.

Isinagawa ang aktibidad sa Casimiro A. Ynares Auditorium sa Binangonan noong Martes, Nobyembre 10, kasama ang mga lokal na opisyal.

Binigyang-diin ni Go, adopted son ng CALABARZON, na dapat sulitin ng mga estudyante ang pagkakataong makapag-aral, magsikap na makamit ang kahusayan at gamitin ang kanilang kaalaman at kakayahan sa paglilingkod sa komunidad at bansa. 

“Nakikita ko sa inyo ang anak ko. Mag-aaral kayo ng mabuti at kayo ang kinabukasan ng bayang ito. Malay ninyo, magiging senador din kayo, congressman, or maging mayor po kayo. Mahal po natin ang ating kapwa Pilipino. Pero unahin niyo muna ngayon ang pag-aaral,” aniya.

Nagpasalamat din ang senador sa mga taga-Binangonan sa patuloy na pagtitiwala at suporta sa kanya.

“Mga taga-Binangonan, Rizal. Ako po’y sinalubong ni Governor. Kanina may lumapit sa akin nagpapasalamat sa mga programa dito sa Rizal. Sabi ko, huwag magpasalamat sa akin. Ako po ang dapat magpasalamat sa inyo dahil binigyan niyo ako ng pagkakataon na makapagserbisyo sa inyo at ginawa niyo akong number one sa Binangonan,” aniya.

Kasama ang kanyang Malasakit Team at sa pakikipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan, namahagi si Go ng pagkain, bitamina, food pack, damit, bolpen, basketball, volleyball at pickleball sa mga benepisyaryo.

May ilan ding nakatanggap ng bisikleta, cellphone, sapatos at relo. Nagbigay rin ng karagdagang tulong pinansyal ang senador sa pakikipagtulungan kay Mayor Rhea Ynares at sa pamahalaang bayan.

Kinilala rin niya ang suporta nina Governor Nina Ynares at Binangonan Vice Mayor Russel Ynares.

“Salamat sa pamilya Ynares sa kanilang suporta sa akin. Ako din po ay adopted son na sa CALABARZON. Ituring niyo po akong kuya ninyo,” pahayag niya.

Muling iginiit ni Go ang kanyang suporta sa mga panukalang nagpapalawak ng access sa edukasyon at nagpapagaan sa gastusin ng mga estudyante, lalo na sa mga pamilyang kapos sa buhay.

Bilang chairman ng Senate Committee on Youth, isinusulong niya ang mga programang tutulong sa kabataang Pilipino na maipagpatuloy ang kanilang pag-aaral sa kabila ng kakulangan sa pinansyal.

Kabilang dito ang Republic Act No. 10931 o Universal Access to Quality Tertiary Education Act, na nagkakaloob ng libreng edukasyon sa mga state university and college.

Si Go ang may-akda ng Senate Bill No. 169 na naglalayong palawakin ang saklaw ng Tertiary Education Subsidy (TES) upang makapagbigay ng karagdagang tulong pinansyal sa mga kwalipikadong estudyante. Pinagsama ang panukala sa iba pang panukalang batas sa ilalim ng Senate Bill No. 1894, na kapwa niya inakda at inisponsoran. Naipasa ito ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa noong Hunyo 17, 2026 at nilagdaan bilang Republic Act No. 12325 noong Setyembre 4, 2026.

“Noong 2017, panahon ni former President Rodrigo Roa Duterte, itong batas na ito, muntik na ma-veto at ipinaglaban po natin ito. Ngayon po, libre na ang inyong edukasyon sa State Colleges and Universities,” aniya.

Kasama rin siya sa mga may-akda at co-sponsor ng RA 12077 o Student Loan Payment Moratorium During Disasters and Emergencies Act, na nagbibigay ng pansamantalang ginhawa sa mga nangutang para sa pag-aaral tuwing may kalamidad at emergency.

Ilan pa sa mga batas na sinuportahan niya ang RA 11510, na nagtatag sa Alternative Learning System; RA 12006 o Free College Entrance Examinations Act, na nag-aalis ng entrance examination fees para sa mga kwalipikadong nangungunang estudyante; at RA 11984 o No Permit, No Exam Prohibition Act, na nagbabawal sa mga paaralan na pigilan ang mga estudyante sa pagkuha ng pagsusulit dahil sa hindi pa nababayarang matrikula at iba pang bayarin.

“Ang edukasyon, parati kong isusulong po ‘yan at mag-aral po kayo ng mabuti. Huwag niyo pong kalimutan na magpasalamat sa inyong mga magulang,” dagdag niya.

“Patuloy kaming magseserbisyo sa inyo dahil bisyo ko ang magserbisyo at ako ay naniniwala na ang serbisyo sa tao ay serbisyo ‘yan sa Panginoon, serbisyo ‘yan kay Allah,” aniya.

Matapos ang aktibidad sa Binangonan, nagtungo rin si Go sa General Trias City, Cavite upang magpaabot ng tulong sa iba’t ibang sektor, kabilang ang mga Barangay Health Worker, Barangay Nutrition Scholar at Barangay Population Worker. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here