MANILA, Philippines – Mariing kinondena ng Korte Suprema ang pagpaslang kay Judge Joseph Wee Sit na binaril sa Barangay Tumaga, Zamboanga City ngayong araw, Nobyembre 12, at nagpaabot ng pakikiramay sa kanyang pamilya, mga kaibigan, at kasamahan.
Inatasan ni Chief Justice Rodil Zalameda ang Office of the Court Administrator na makipagtulungan sa pamilya ng hukom para maimbestigahan ang pangyayari at matukoy ang nasa likod nito.
Ayon sa SC, tutulungan ang pamilya ni Wee Sit at nakikipag-ugnayan na ang Office of the Judiciary Marshals sa mga awtoridad.
Nagtapos ng abogasya si Wee Sit sa Western Mindanao State University at kalaunan ay naging piskal at public attorney bago italagang judge noong Setyembre ng nakaraang taon.
Wala nang ibang detalyeng ibinigay ang SC para na rin hindi maapektuhan ang isinasagawang imbestigasyon.
Binigyang-diin naman ng Kataas-taasang Hukuman na walang hukom ang dapat mangamba para sa kaniyang buhay dahil lamang sa pagtupad sa tungkulin. Ang pag-atake din anila sa mga hukom ay hindi lamang banta sa kanilang kaligtasan kundi maging sa kakayahan ng hudikatura na maghatid ng patas na hustisya. Jocelyn Tabangcura-Domenden