MANILA, Philippines – Tumaas ang bilang ng mga nagparehistro sa unang araw ng muling pagbubukas ng voter registration para sa 2028 elections, ayon sa Commission on Elections (Comelec).
Personal na ininspeksyon ni Comelec Chairman Erwin George Garcia ang Luneta Park nitong Nobyembre 12, ang huling araw ng voter registration doon bilang bahagi ng programang Register Anywhere, Anytime ng komisyon.
Ayon kay Garcia, halos 37,000 ang naitalang nagparehistro sa unang araw ng registration ngayong Nobyembre, mas mataas kumpara sa unang araw ng pagpaparehistro noong nakaraang taon.
Umaasa ang Comelec na makapagdagdag pa ng humigit-kumulang tatlong milyong bagong botante upang maabot ang target na 74 milyong rehistradong botante para sa 2028 national at local elections.
Karamihan sa mga nagparehistro ay mga estudyanteng nagsabing kailangan nila ito bilang requirement sa kanilang paaralan.
“Kung dati-rati ang Kabataang Pilipino ay nagmamasid lang sa kasaysayan, ngayon sila ang sumulat ng kasaysayan,” pahayag ni Garcia kaugnay ng pagdagsa ng mga kabataan at estudyante.
Muling hinimok ni Garcia ang publiko na huwag balewalain ang anumang halalan, maliit man o malaki, at samantalahin ang pagkakataong makapagparehistro. Jocelyn Tabangcura-Domenden