Home TOP STORIES Maritime rights ng Pinas ‘di kayang burahin ng panggigipit ng Tsina –...

Maritime rights ng Pinas ‘di kayang burahin ng panggigipit ng Tsina – Goitia

1
0

MANILA, Philippines — Iginiit ni Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia na hindi dapat maging dahilan ang panggigipit o mapanganib na pagmamaniobra ng mga barko ng China upang umatras ang Pilipinas sa pagsasagawa ng mga lehitimong misyon sa West Philippine Sea.

Ang pahayag ay kasunod ng insidenteng kinasangkutan ng China Coast Guard vessel CCG-21585 at ng Philippine Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) vessel BRP Datu Magat Salamat (MMOV-3015) noong Setyembre 18.

Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), nagsagawa umano ng ilang malalapit at mapanganib na pagmamaniobra ang CCG-21585 bago nagkaroon ng contact sa BFAR vessel.

Bandang alas-11:04 ng umaga, tumawid umano ang CCG-21585 sa hulihan ng BRP Datu Magat Salamat sa layong humigit-kumulang 10 metro. Pagsapit ng alas-11:13 ng umaga, muli umanong nagmaniobra ang barko ng China at nagkaroon ng contact habang pinananatili ng BFAR vessel ang direksiyon nito.

Nangyari ang insidente may 6.36 nautical miles sa hilagang-kanluran ng Abad Santos o Bombay Shoal, at tinatayang 54 nautical miles mula sa Palawan.

Batay sa PCG, nagkaroon ng pinsala sa mga rehas, metal na poste at iba pang estruktura sa starboard side ng BFAR vessel. May ilang kagamitang nasa deck din na natanggal o nalipat. Wala namang naiulat na nasaktan.

Iginiit ni Goitia na civilian at humanitarian mission ang isinasagawa ng BRP Datu Magat Salamat nang mangyari ang insidente, dahil layunin nitong maghatid ng fuel assistance sa mga Pilipinong mangingisda.

“Pang-sibilyan at makatao ang misyon. Hindi ito komprontasyon. Nandoon ang barko upang tumulong sa ating mga mangingisda,” ani Goitia.

Kinondena naman ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang insidente at binanggit ang mga karapatan at obligasyon ng Pilipinas sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), 2016 Arbitral Award, COLREGS at SOLAS.

Samantala, itinanggi ng China ang bersyon ng Pilipinas at iginiit na ang BRP Datu Magat Salamat umano ang naging sanhi ng banggaan.

Dahil dito, sinabi ni Goitia na mahalagang suriin ang mga obhetibong ebidensiya, kabilang ang galaw ng mga barko, komunikasyon at mga kuhang video, upang matukoy ang buong pangyayari.

Para kay Goitia, hindi dapat ang insidente ang maging dahilan upang limitahan ng Pilipinas ang lehitimong operasyon nito sa West Philippine Sea.

“Hindi naghahanap ng komprontasyon ang Pilipinas. Ngunit hindi rin dapat ang panggigipit ang magdikta kung saan maaaring magsagawa ng legal na misyon ang ating pamahalaan. Ang ating tugon ay dapat disiplinado, propesyonal at matatag,” ani Goitia.

Binigyang-diin niya na maaaring imbestigahan at kumpunihin ang pinsalang dulot ng insidente, ngunit hindi umano nito binabago ang usapin ng maritime rights ng Pilipinas.

Si Goitia ay Chairman Emeritus ng Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at Filipinos Do Not Yield Movement (FDNY). JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here