MANILA, Philippines – Maaaring kailanganin ng senator-judges ng dagdag na panahon upang pag-aralan ang voting threshold para sa conviction sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte-Carpio bago magpasya sa usapin, ayon kay Senator-Judge Panfilo “Ping” M. Lacson nitong Sabado.
Sinabi ni Lacson na bagama’t nakatulong sa kanilang pag-unawa ang mga pananaw ng tatlong dating mahistrado ng Supreme Court na humarap sa Impeachment Court, kailangan pa rin nilang isaalang-alang ang oral arguments ng prosecution at defense sa usapin.
“I’d like to think baka pagbigyan pa kami to sleep over it para i-dissect namin lahat na napag-usapan sa oral argument. Baka di sapat after the oral arguments magbotohan. But yan ang napagkasunduan as of now,” aniya sa isang panayam sa DZMM radio.
“I’d rather wait for oral arguments sa Wednesday. Kasi mag-share pa ng kanilang ideas and arguments ang prosecution and defense. Mas mainam pakinggan na rin namin para mas malawak ang panggagalingan namin, paghuhugutan,” aniya nang tanungin kung paano siya boboto sa Setyembre 23.
Sa Setyembre 23, nakatakdang dinggin ng senator-judges ang oral arguments ng prosecution at defense, at pagkatapos ay magpasya kung pananatilihin o babaguhin ang ruling ni Presiding Officer Francis Escudero na 16 na boto ang kailangan para sa conviction.
Nang tanungin kung maaaring hilingin ng senator-judges sa presiding officer na ipagpaliban ang botohan sa susunod na linggo, sinabi ni Lacson na posible ito.
“Kung hindi pa maliwanag sa iba sa amin, baka pwedeng mag-motion kung pwedeng i-defer ang botohan sa following week,” aniya.
Muling sinabi ni Lacson na nakatulong sa kanyang pag-unawa ang mga pananaw na ibinahagi noong nakaraang Miyerkules — ang talakayan ni dating Chief Justice Reynato Puno hinggil sa “textual vs. contextual” interpretation, ang pagbibigay-diin ni retired Chief Justice Artemio Panganiban sa “truth and fairness,” at ang interpretasyon ni retired Associate Justice Adolfo Azcuna sa pariralang “all means all” sa pagtukoy ng threshold.
Humarap sina Puno, Panganiban at Azcuna sa impeachment court noong nakaraang Miyerkules, habang nagpadala naman si dating Chief Justice Hilario Davide Jr. ng kanyang memorandum na binasa sa mga pagdinig.
Sinabi ni Lacson na humingi rin siya ng mga pananaw mula sa iba pang legal luminaries, kabilang ang isa pang dating Chief Justice na nagbigay ng pananaw hinggil sa posibleng “automatic acquittal” kung hindi makuha ang 16 na boto para sa conviction kahit may mga sitwasyong siyam na senator-judges ang hindi makadadalo sa impeachment trial.
Sinabi rin ni Lacson na dapat makatulong ang pagkonsulta ng Impeachment Court sa mga “amici curiae (friends of the court)” upang tugunan ang mga alegasyong kumilos ang impeachment court nang may grave abuse of discretion.
“Sa aking pananaw nag-exercise kami ng prudence, due diligence, by consulting with legal eagles. Di naman matatawaran ang tatlong former Chief Justice and one former senior Associate Justice. I would like to think na para akusahan pa kami na nag-grave abuse of discretion na-commit namin, parang malayong mangyari. Hihina ang argument na nag-commit kami ng grave abuse of discretion,” aniya.
Samantala, sinabi ni Lacson na wala siyang nakikitang koneksyon sa pagitan ng imbestigasyon kina Senators Camille at Mark Villar kaugnay ng mga umano’y kuwestiyonableng joint venture agreements na pinasok ng Prime Water Infrastructure Corp. at ng impeachment trial.
“Hindi namin saklaw ang ginagawa ng Ombudsman or executive branch, or magiging action ng judiciary, in this case Sandiganbayan or RTC. Di namin iniisip na yan ay may kinalaman sa impeachment trial na nangyayari. Sa amin ang tinitingnan namin pinakikinggan namin witnesses, documents, arguments, at pati ang amici curiae,” aniya.
Sinabi rin ni Lacson na hindi pa huli para makilahok si Sen. Ronald dela Rosa sa impeachment trial basta’t lumabas siya at manumpa.
“Hindi huli ang lahat para mag-take siya ng oath but he has to take the risk when he comes out to participate. Baka di mangyari ang dati nang nagkaroon ng leadership change, nakapasok at nakalabas siya… Nasa kanya yan but welcome siya kung sakaling lalabas siya mag-take ng oath, mag-participate siya kasi nandiyan siya. He now becomes within the coercive jurisdiction of the Senate,” aniya.
Maaari ring talakayin ng mga senador nang impormal sa isang caucus sa susunod na linggo ang mga usapin kaugnay ng impeachment trial, ngunit hindi magiging binding ang kanilang mga pag-uusap, sinabi niya.
Muling iginiit ni Lacson ang kanyang posisyon na hindi dapat makialam ang Senado at Impeachment Court sa mga hakbang nina Senators Rodante Marcoleta at Jose “Jinggoy” Estrada upang makilahok sa impeachment trial.
“Kung kami pakukumentahin, mas magandang huwag kami magkumento kasi baka ma-misinterpret pang nagbibigay kami ng undue pressure sa Sandiganbayan pag Senate o impeachment court mismo ang magiging parang aayon sa motion o sasalungat sa motion… Mas maganda huwag makialam ang Senado, huwag makialam ang impeachment court,” aniya. Ernie Reyes