MANILA, Philippines – Sinabi ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na malalim umano ang paggamit ng deep dark web ng 14-anyos na estudyanteng itinurong shooter sa Banga National High School.
“Upon investigation, he was heavily into the deep dark web. He was into the deep dark web which influenced him,” ani DILG Secretary Jonvic Remulla.
Ayon kay Remulla, nakita sa cellphone ng estudyante ang mga note tungkol sa kanyang depression na natuklasan umano ng kanyang mga magulang noong Abril 2026.
Tatlong bata ang kumpirmadong nasawi—dalawang estudyante at ang hinihinalang shooter—habang walo ang nasugatan.
Sinabi ni Remulla na ang ginamit na baril ay rehistrado sa ama ng shooter, isang opisyal ng Department of Education (DepEd), na may tatlong licensed firearms. Hindi umano sapat ang pagkakasiguro sa mga ito kaya nakuha ng estudyante ang isa at dinala sa paaralan.
Dahil dito, nais ni Remulla na magkaroon ng awtoridad ang Philippine National Police (PNP) na inspeksyunin ang lugar kung saan iniimbak ang mga licensed firearms upang matiyak na maayos ang pagkakasiguro sa mga ito. Nais din niyang makipagtulungan sa Department of Information and Communications Technology (DICT) para hilingin sa Kongreso na limitahan ang paggamit ng social media ng mga menor de edad.
“I think the bigger issue is the use of internet of children,” ani Remulla.
Samantala, sinabi ni PNP chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr. na sinusuri ng mga imbestigador ang cellphone, notes at iba pang gadgets ng shooter, gayundin ang mga nangyari bago ang pamamaril.
“Once again, ang Philippine National Police ay nakikiramay,” ani Nartatez. RNT/MDS