Home METRO Maruming medyas na may lamang P1M cash napulot ng airport cleaner

Maruming medyas na may lamang P1M cash napulot ng airport cleaner

MANILA, Philippines- Humigit-kumulang P1 milyong cash ang nadiskubre ng isang airport cleaner sa departure area ng Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 habang naglilinis ito at mawalis ang isang pares ng maruruming medyas na naglalaman ng mga perang papel noong Huwebes ng madaling araw.

Nabatid na nagwawalis umano si Rosalinda Celero, nagsisilbing airport cleaner sa NAIA, nang mawalis nito ang isang pares na medyas sa ilalim ng gang chair na ginagamit ng mga pasahero upang maisuot muli ang kanilang mga sapatos. Ngunit hindi niya napansin ang nakaumbok na 202 piraso ng mga dollar bill na inilagay sa loob ng medyas hanggang sa maipit ito sa kanyang dustpan.

Agad na sinuri ni Celero ang naturang medyas kung saan natuklasan nito ang mga perang papel na may iba’t ibang denominasyon. Agad na dinala ni Celero ang mga medyas sa NAIA T3 lost and found section, na nagsagawa ng imbentaryo ng mga narekober na gamit.

Nabatid na ang mga dolyar na natuklasan sa nasabing medyas ay tinatayang nagkakahalaga ng higit sa P1 milyon.

Sinusuri naman ng Manila International Airport Authority ang CCTV footage para matukoy ang may-ari ng mga nasabing medyas.

Hindi naman malinaw kung paano nailusot ng hindi pa nakikilalang pasahero ang X-ray ng airport security nang hindi nadiskubre ang malaking halaga ng pera.

Sa ilalim ng mga regulasyon ng Bangko Sentral, ang mga pasahero ay pinapayagan lamang na magdala ng maximum na $10,000 sa kanilang hand-carry luggage. JAY Reyes