Home HOME BANNER STORY Mary Jane Veloso nakauwi na sa Nueva Ecija matapos 16 taon

Mary Jane Veloso nakauwi na sa Nueva Ecija matapos 16 taon

1
0

NUEVA ECIJA — Nakauwi na si Mary Jane Veloso sa kanyang pamilya sa Barangay Burol, General Mamerto Natividad, Nueva Ecija matapos ang halos 16 taong pagkakakulong sa Indonesia at Pilipinas.

Mainit siyang sinalubong ng kanyang pamilya, mga kaibigan at residente nitong Sabado, isang araw matapos siyang pagkalooban ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng absolute pardon.

Bago umuwi sa Nueva Ecija, sinalubong si Veloso ng kanyang mga magulang na sina Celia at Cesar at kanyang mga anak sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City matapos siyang tuluyang palayain.

Emosyonal si Veloso sa muling pagsasama nila ng kanyang pamilya.

“Ito ’yung araw na pinakahihintay ko,” sinabi niya matapos makalaya.

Sa kanyang pag-uwi, nakasalo rin ni Veloso ang kanyang pamilya sa hapunan at kinain ang ilan sa kanyang paboritong pagkain gaya ng pinakbet at inihaw na tilapia.

Si Veloso ay naaresto sa Indonesia noong 2010 dahil sa 2.6 kilo ng heroin na natagpuan sa kanyang bagahe. Iginiit niyang hindi niya alam na may droga ang kanyang dala at biktima siya ng illegal recruitment at human trafficking.

Nasentensiyahan siya ng kamatayan ngunit hindi natuloy ang kanyang execution noong 2015. Inilipat siya sa kustodiya ng Pilipinas noong Disyembre 2024 bago tuluyang pagkalooban ng absolute pardon ni Marcos nitong Setyembre 25. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here