MANILA, Philippines — Tinawag ni dating presidential spokesperson Salvador Panelo na “fabricated story” ang alegasyon na may mga maletang puno ng pera umanong inihatid sa pamilya Duterte, kabilang kay Vice President Sara Duterte.
Reaksyon ito ni Panelo sa pahayag ni dating pulis Rodulfo Gracioso Jr., na nagsabing naghatid umano siya ng mga maletang may pera kina Sara Duterte, dating Pangulong Rodrigo Duterte at Davao City 1st District Rep. Paolo “Pulong” Duterte sa utos umano ni dating House Speaker Lord Allan Velasco.
Ayon kay Gracioso, mahigit P2 bilyon umano ang kabuuang naihatid niya kay Sara sa mahigit 20 pagkakataon mula 2018 hanggang 2022.
Mariing itinanggi ni Sara ang alegasyon at sinabing hindi niya kilala si Gracioso at wala siyang natanggap na pera mula rito. Sinabi rin niyang hinihintay ng kanyang mga abogado ang opisyal na kopya ng affidavit upang mapag-aralan ang posibleng pagsasampa ng kaso laban sa dating pulis.
Itinanggi rin ng kampo ni Velasco ang mga paratang at sinabing walang basehan ang mga alegasyon ng ilegal na gawain laban sa dating House speaker.
Ayon kay Panelo, ang mga alegasyon ay bahagi umano ng pagtatangkang pabagsakin at ma-disqualify si Sara sa 2028 elections. Wala siyang inilatag na ebidensya sa pahayag upang patunayan ang naturang motibo.
Kinumpirma naman ni Justice Secretary Fredderick Vida na natanggap na ng Department of Justice ang affidavit ni Gracioso at kasalukuyan itong sinusuri, habang iniimbestigahan din ng NBI ang mga alegasyon. RNT