MANILA, Philippines — Wala pang natutukoy na “ghost” o non-existent infrastructure project sa Taguig City batay sa nagpapatuloy na imbestigasyon ng Department of Public Works and Highways (DPWH), ayon kay Secretary Vince Dizon.
Sa pagdinig ng Senate finance subcommittee sa panukalang 2027 budget ng DPWH noong Biyernes, Setyembre 25, tinanong ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano si Dizon kung may natukoy nang ghost project sa Taguig.
“Wala po. Sa aming imbestigasyon, wala po,” sagot ni Dizon.
Ayon naman kay DPWH Undersecretary Ricardo Bernabe III, 107 proyekto sa Taguig ang na-verify ng ahensya at lahat umano ay may naitalang accomplishment.
Sinabi rin ni Dizon na nasa humigit-kumulang 10 proyekto sa buong bansa ang conclusively identified ng DPWH bilang ghost projects sa puntong iyon, habang nagpapatuloy ang kanilang pagsusuri.
Gayunman, kinuwestiyon ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson ang pahayag ni Dizon, at sinabing taliwas umano ito sa ilang site inspection reports mismo ng DPWH hinggil sa mga proyekto sa Taguig.
Nauna nang nagsagawa si Lacson ng pagsusuri sa ilang flood control at infrastructure projects sa lungsod, habang itinanggi naman ni Cayetano na may ghost projects sa kanyang political bailiwick at nanawagang siyasatin din ang mga proyekto sa iba pang lugar.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng DPWH sa mga proyekto sa Taguig at iba pang bahagi ng bansa. RNT