Home NATIONWIDE Mary Jane Veloso pwede ilipat sa Davao, Palawan prison – Catapang

Mary Jane Veloso pwede ilipat sa Davao, Palawan prison – Catapang

MANILA, Philippines – Maaaring isilbi ni Mary Jane Veloso ang nalalabi nitong sentensya sa tatlong prison and penal farm sa bansa.

Sinabi ni Bureau of Corrections Director General Gregorio Catapang Jr. na maaaring ipiit si Veloso sa Correctional Institute for Women (CIW), Iwahig Prison and Penal Farm sa Palawan o sa Davao Penal Colony.

Ngunit malamang aniya ay dalhin si Veloso sa “minimum security compound” ng Correctional Institute for Women (CIW) sa Mandaluyong kasama ang 20 iba pang persons deprived of liberty (pdl).

Sinabi ni Catapang na kung nais ni Veloso ay makulong siya sa Palawan dahil mas maaliwalas ang paligid o hindi kaya ay sa Davao dahil mayroon din doon na CIW.

Maaari aniyang magtrabaho si Veloso sa banana plantation doon.

Si Veloso ay unang hinatulan ng parusang kamatayan ng Indonesia dahil sa drug trafficking taon 2010 at ipinagkalooban ng reprieve noong 2015.

Sinabi ni Catapang na sa sandaling makabalik na ng Pilipinas si Veloso, mananatili ito sa diagnostics center ng dalawa hanggang apat na linggo para masuri kung may problema sa kanyang kalusugan.

“‘Yung sa rehabilitation niya, pag na-serve niya na yung sentence, yung reformation programs na gagawin niya, na gusto niya,” ayon kay Catapang.

Isasailalim din siya sa training sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) upang sa sandaling makalaya siya ay mayroon na siyang skill para makabalik na sa normal na buhay. TERESA TAVARES