MANILA, Philippines- Simula sa second quarter ng school year, maaaring pairalin ng mga eskwelahan ang class schedule base sa kanilang pangangailangan at kakayahan.
Ibinatay ito sa revised policy ng Department of Education (DepEd) sa pagpapatupad ng MATATAG K-10 curriculum.
Nakasaad sa DepEd Order (DO) No. 012, s. 2024, nilagdaan ni Education Secretary Sonny Angara, pinapayagan ang mga paaralan ng gumamit ‘flexibility’ para ipatupad ang bagong curriculum bilang pagbibigay konsiderasyon sa kanilang ‘specific contexts’ gaya ng, subalit hindi naman limitado sa, klase at laki ng eskwelahan, curricular program offerings, at availability ng mga guro at silid-aralan.
Sinasabing nag-aalok ang bagong probisyon ng tatlong opsyon para sa pag-aadjust ng instructional time, lalo na para sa Grade 3 hanggang10.
Una na rito ay ang paglalaan ng 45 minuto sa isang araw para sa limang araw para sa lahat ng learning areas, at Homeroom Guidance Program para sa 45 minuto isang beses sa isang linggo, dati nang nakasaad sa DO No. 10, s. 2024.
Samantala, batay sa inamyendahang polisiya, ang mga eskwelahan ay pinapayagan na magbigay ng ‘uniform time allotments’ na 50, 55, o 60 minuto sa bawat learning area.
Ang Edukasyong Pantahanan at Pangkabuhayan (EPP)/Technology and Livelihood Education (TLE), Music, Arts, Physical Education and Health (MAPEH), Araling Panlipunan (AP), at Filipino ay dapat na ituro apat na beses sa isang linggo at ang Homeroom Guidance Program naman ay isang beses sa isang linggo.
Ang ikatlong opsyon naman ay maaaring gamitin sa mga pagkakataon na ang alinman sa ibinigay na opsyon ay hindi applicable.
Pinapayagan nito ang mga paaralan na magpanukala ng ibang kombinasyon kung saan dapat na ang learning contact time ay limang oras at 30 minuto kada araw.
Sa ilalim nito, ang time allotment para sa English, Mathematics, Science, at GMRC/Values Education ay hindi dapat na bababa sa 225 minuto kada linggo.
Ang time allotment para sa EPP/TLE, MAPEH, AP, at Filipino ay hindi dapat bumaba sa 200 minuto kada linggo, at ang Homeroom Guidance Program naman ay hindi dapat bumaba sa 45 minuto kada linggo.
Ang panukalang kombinasyon ay ‘subject to the approval’ ng School Division Superintendent o awtorisadong kinatawan.
Samantala, patuloy namang gagamitin ang tinatawag na ‘Mother Tongue’ bilang medium sa pagtuturo at kaalaman subalit hindi maaaring ialok bilang isang asignatura.
Inatasan ang schools division offices na tiyakin na ang technical assistance ay ibinigay sa mga eskwelahan bilang paghahanda sa class programs.
Dapat ding tiyakin ng mga eskwelahan ang patas at pantay-pantay na distribusyon ng ‘teaching loads’ habang pinoprotektahan ang kapakanan ng mga guro. Kris Jose