SA mga huling kaganapan sa West Philippine Sea, muli na namang nalantad ang panlalamang at pang-aabuso ng China sa mas maliliit na bansang gaya ng Pilipinas. Ang pag-atras ng BRP Teresa Magbanua sa Escoda Shoal — teritoryong nasasaklawan ng exclusive economic zone o EEZ ng Pilipinas at pitong beses na mas malayo, o maaaring higit pa, sa pinakamalapit na daungan ng China — ay malinaw na resulta ng pambu-bully nito.
Nahaharangan ng mga puwersang Chinese, napilitan ang mga tauhan ng ating Philippine Coast Guard na uminom ng ulan at pagtiyagaan ang tubig na nanggagaling sa mga air-conditioning units habang nabubuhay sa pagkain ng lugaw. Walang awa at walang takot, ang estratehiyang panghaharang na ginawa ng China ay tunay namang nagpasagad sa pagtitiis ng ating mga kababayan.
Nakalulungkot man na aminin, base na rin sa kinahinatnan, nanalo ang China sa round na ito. Epektibo ang panghaharang sa supply ng pagkain, na sa huli, nagresulta sa pag-atras ng BRP Teresa Magbanua.
Dahil sa munting tagumpay na ito, lumalakas lalo ang loob ng China na igiit ang gusto nito, nagkasa ng mas maraming panghaharang at delikado ngayong abandonahin na rin ng isa pang grupo ng matatapang nating puwersang pangkaragatan ang kanilang posisyon: ang mga Pilipino sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Pero babala lang sa Beijing: ang anomang pagtatangkang alisin ang BRP Sierra Madre mula sa Ayungin Shoal ay maaaring magbunsod ng pandaigdigang krisis. Gaya nga ng nilinaw ni Defense Secretary Gilbert Teodoro Jr., ang ganitong senaryo ay maliwanag na deklarasyon ng digmaan.
Inihayag na ng Washington na kikilos sila, alinsunod sa US-Philippines Mutual Defense Treaty. Walang duda sa paninindigan nilang ito. Hindi lamang isang kalawanging barko ang Sierra Madre, kundi isang simbolo at tagapagtanggol ng soberanya ng Pilipinas.
Kung inaakala ng leader ng China, si Xi Jinping, na hindi sila matitinag ng territorial complaints mula sa mas maliliit na bansa, ibang usapan na ang gawin ito sa Pilipinas, ang kantiin ang Sierra Madre. Hindi madali para sa isang bansa na makopo ang buong suporta ng sandatahan ng Amerika kasabay ng matinding galit ng mga kaalyadong bansa.
Para sa PCG, ang agarang pangangailangan nito sa ngayon ay mas malalaki at mas modernong barko na kayang mag-imbak ng sobra sa sapat na supplies. Ang mas kaunting resupply missions ay katumbas ng mas kaunting komprontasyon, at mas bibihirang kahiya-hiyang pag-atras. Ang mas malakas na presensiya ay nangangailangan ng mas malalakas na barko — bago pa lalong higpitan ng China ang pagkubkob nito sa lugar.
* * *
SHORTBURSTS. Para sa mga komento at reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X.