Home OPINION KALIKASAN, MAMAMAYAN NANININGIL SA KORAP (2)

KALIKASAN, MAMAMAYAN NANININGIL SA KORAP (2)

3
0

HANGGA’T may habagat, tag-ulan at tag-bagyo, patuloy na naniningil sa mga korap ang kalikasan at mamamayan.

Ngunit hindi lang naniningil ang kalikasan, patuloy itong namiminsala sa mga mamamayan dahil nga sa mga korap…at ang mga nagtatakip na rin sa kanila sa mata ng taumbayan at batas.

Kahapon nga lang, iniulat ng Office of Civil Defense na may 19 nang namatay sa nakaraang pagdating nina bagyong Luis at Maymay at habagat.

Hindi lang ‘yan.

Kapag pinagsama-sama ang lahat ng naperwisyo sa mga panahong ito, milyones ang bilang nila.

Kasama sa mga napiperwisyo ang milyon-milyong kabataan na hindi makapasok sa eskwelahan upang mag-aral dahil sa baha at pagkasira ng kanilang mga eskwela.

Milyones ang mga obrero na hindi nakapapapasok at labis na perwisyo ito sa mga no work, no pay at may maliliit ang sahod.

Perwisyo rin sa mga negosyante, lalo na ang mga maliliit na nabubuhay lamang sa araw-araw na tubo at kinabukasan may tigil-negosyo sila, wala na ring kita at may pagkalugi.

MAALWAN NA, LIGTAS PA SA PANGANIB

Ang mga korap, sobrang alwan na sa pamumuhay, hindi pa sila namamatay sa baha at landslide.

Always happy sila at safe na safe sa kanilang mga palasyo, condo, resthouse, resort at iba pa.

Maalwan sila sa milyon-milyon o bilyon-bilyon nilang mga badyet at kita mula sa mga flood control project at iba pa.

At ang masakit, ang buwis na galing mismo sa milyon-milyong namamatay at napiperwisyo sa baha at landslide ang mga badyet at kita ng mga korap at mga taga-tago ng kanilang krimen sa hukuman, Kamara, Senado at Palasyo.

MGA KORAP, NOSI BALASI?

Mahalagang tanong: Sino-sino ba ang mga korap?

Sila ba ‘yung paisa-isang kinakasuhan at ipinabibilanggo ngayon?

Sila bang maraming nangkakaso at nambibilanggo?

Sila ba ‘yung nakararaming pumirma impeachment noon ika-19 at ngayong ika-20 na Kongreso o ‘yung kasalukuyuang ini-impeach?

Walang nakatitiyak ngunit hindi matatawaran ang paniniwala at pagkilala sa kanila ng higit na nakararaming Pinoy na nakararanas ng kamatayan, sakit at labis na paghihirap at kawalang kinabukasan.

Silang mamamayan ang higit na nakaaalam.

ISINUSUMPANG MALUNOD SILANG MGA KORAP

Habang nagaganap ang mga baha at landslide, may mga nagdarasal na umano para ganap na maparusahan ang mga korap.

Ang pagdarasal ay anyo ng paniningil ng mga mamamayan at kalikasan na rin ang naniningil kung may malunod sa mga korap.

Sabi nila, dapat sila muna ang malunod para matapos na ang lahat.

Kaya lang buwaya ang tawag sa kanila.

Kaya paano malulunod ang mga korap o buwaya, eh, lungga nila ang katubigan at baha?

PANININGIL PAANO NGA BA?

Ang mga dayuhan ay may anyo ng paniningil sa mga korap at ito ang hindi nila paglalagak ng puhunan sa bansa.

Kaya kasama sila sa mga dahilan ng pagbagsak ng ekonomiya ng Pinas sa 2.3% lamang nitong ikalawang kuwarto ng taon.

Naniningil na mismo ang kalikasan at sa anyo ng pagsasampal nito sa mga korap ng katotohanan na sila ang puno’t dulo ng mga baha at landslide.

Paano naman kaya maningil mismo ang mga mamamayan patungo sa pakinabang ng lahat?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here