NAKARANAS na naman ng malawakang pagbaha sa bansa dahil sa nakalipas na tuloy-tuloy na pag-ulan na dulot ng habagat.
Marami na namang buhay ang nasawi, nasugatan, nawawala at mga tahanang nasira matapos ragasain ng tubig-baha, daluyungin ng putik at pagguho ng bato.
Marami sa ating mga kababayan ay nasa kalunos-lunos na kalagayan dahil na-trap sa kanilang mga bahay sapagkat hindi makatawid sa baha habang ang libo-libo ay nasa mga evacuation center.
Palaging ganito na lang ang nangyayari kapag humahagupit ang habagat at mga bagyo. Ang maraming pulitiko at opisyal ng gobyerno na sangkot o nasa likod ng kahabag-habag na dinaranas nating ito ay walang habag.
Sila ay nasa magagara at matataas nilang bahay na malayo sa baha. Nagpipista sa masasarap na pagkain. Ang ilan, kung wala sa bansa ay nasa ibang bansa, naglalamyerda at ginagasta ang pondo ng bayan na dinambong para sana sa proyekto sa imprastraktura sa pagkontrol, Mga hayop na walanghiya!!!
Ang pinakamasaklap, tila pangkaraniwan na lang sa mga opisyal ng gobyerno ang mga paghihirap nating ito sa baha. Wala lang sa kanila. Ano nga ba namang pakialam nila kung magkandamatay tayo sa baha.
*****
Nakagagalit at nakapipikon ang naging reaksyon ni Department of Public Works and Highways Secretary Vince Dizon sa nangyari muling malawak na pagbaha sa bansa.
Ang kainutilan niya sa posisyon ay pinagtakpan niya ng mga dahilan o palusot.
Hindi raw aniya masosolusyunan sa magdamag lamang ang problema sa pagbaha.
Nananaginip lang daw tayo kung mangyayari iyan sa loob ng isang taon.
Ilang taon na ba siya sa DPWH bilang pinuno? E bakit patuloy ang pagbaha?
Ang kanyang palusot ay malinaw na pag-amin ng kawalang kakayahan niya sa pwesto. Dapat humingi ng pang-unawa. Ngunit ang magpalusot ay hindi katanggap-tanggap.
Totoo naman talaga na hindi “overnight” malulutas ang pagbaha. Pero hindi niya masisisi ang taumbayan na hanapan siya ng solusyon at hingan ng eksplanasyon dahil siya naman at ang kanyang “amo sa Palasyo” ang naunang nagyabang na masasawata na nila ang mga pagbaha.
Ngayong marami na namang nawasak na kalsada, tulay, dike at iba pa…bilyon-bilyong pondo na naman ang tiyak na mawawaldas sa kabang bayan.
Hindi kaya oras na para magbitiw ka Sec. Vince Dizon sa pwesto mo at ipamahala iyan sa mas karapat-dapat at may kakayahang mamuno. Kung gusto mo lang.






