Home OPINION ‘MOVE ON’ NA

‘MOVE ON’ NA

PARANG tulad lang ng pagbi-break ng magkasintahan, dapat ay “move on” na ang pulitika sa Pilipinas at hindi na na-stuck up sa mga kaso nina ex-Bamban Tarlac Mayor Alice Guo at Kingdom of Jesus Christ leader Pastor Apollo Quiboloy.

Hindi sinasabi ng Pakurot na huwag litisin ang mga ito sa kanilang mga kasalanan at krimen na nagawa sa sambayanang Pilipino subalit ang nais lang sana ay maging simple na lang ang imbestigasyon sa mga ito at huwag na ipilit pa ang laging sinasabi ng mga mambabatas na query “in aid of legislation” kung saan marami-rami o malaki-laking pera ng pamahalaan ang nauubos dahil dito.

Sa halip, ibigay na lang o ipagkatiwala na lang sa mga korteng dumidinig sa mga kaso ng mga kontrobersyal na personaheng ito ang dapat gawin.

Sa magkasintahan, dapat kapwa mag-move on dahil kapag patuloy na nagmumukmok dahil sa break up ay mas lalong natatagalan bago makabawi o kaya naman ay mayroong nauuwi sa ‘suicide’.

Maaaring hindi suicide ang mangyari kung sa pulitika ito pero kamatayan pa rin sa ‘career’ ng mga politiko sapagkat may posibilidad pa rin na inis na sa kanila ang tao at ito na ang maging “ending” ng kanilang pag-upo sa pwesto.

Mas marami pang trabaho na magagawa itong mga mambabatas na ngayon ay ‘focus’ sa imbestigasyon kaugnay sa war on drugs noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, Philippine Offshore Gaming Operators kung saan iniuugnay si Guo at ang mga kasalanan ni Quiboloy.

Kung pagtuunan sana nila ng pansin ang mga problema ng sambayanan tulad ng kawalan ng trabaho, mababang sahod ng mga manggagawa, palpak na imprastraktura, kawalan ng pagkain sa hapag kainan, sakit na kumakalat at korapsyon tiyak na mas matutuwa sa kanila ang mga tao at posibleng hindi na magdalawang isip ang mga ito sa darating na midterm elections sa 2025.

Kaya ngayon pa lang, mag-isip-isip na ang mga mambabatas kaugnay sa kung paano nila haharapin ang mga problema ng bansa at hindi sina Quiboloy at Guo na wala namang maitutulong sa pa-pogi nila para sa kanilang mga kandidatura.

Bukod pa sa hindi naman ang mga ito ang boboto sa kanila kundi ang kanilang mga residente na nag-aabang ng magagandang programa at proyekto nila sa kanilang nasasakupan.

O, eh di tama ako na dapat move on na kayo!