Home OPINION  TAMAD, KOMPROMISO BAWAL SA OSH IMPLEMENTATION

 TAMAD, KOMPROMISO BAWAL SA OSH IMPLEMENTATION

MADALAS napag-uusapan sa business enterprise ang salitang “compliance” at kadalasang naisasantabi ang tunay na kahulugan nito na pagtalima sa umiiral na batas at polisiya sa aspeto ng occupational safety and health o OSH.

Kailangang maging seryoso ang lahat ng sektor mapa-gobyerno man o pribado. Malaki kasi ang ‘impact’ ng aksidente at pagkakasakit sa ating ekonomiya. Sinisira nito ang pamumuhay, negosyo at oportunidad sa pag-unlad.

Ayon sa kasalukuyang datos ng International Labor Organization, tinatayang nasa 3M manggagawa ang namamatay kada-taon dahil sa kakulangan ng proteksyon sa trabaho. Sa analysis ng ILO, tumaas ng 5% ang bilang ng nasawi kumpara sa datos na inilabas noong 2015.

Kahit pa sabihing lumalaki ang populasyon sa buong mundo, hindi ito maaaring gamiting “excuse” sa patuloy na aksidente at pagkakasakit.

Tulad na lamang ng nangyayari dito sa ating bansa, hindi pa rin makawala ang iilan sa pagiging tamad at patuloy na kompromiso para lamang makatapos sa anomang gawain. Nakupo, kung sa ibang bansang may matatag na pundasyon ng OSH, siguradong naglalakihang multa at kulungan ang sasapiting kaparusahan ng mga pabaya. At ang masaklap pa dear readers, ‘yung salitang compliance ay napapalitan ng “paper compliance”. Ano nga ba ito?

Ito ‘yung pagsusumite ng mga dokumento sa awtoridad kahit hindi ‘substantial’ at angkop ang mga nilalaman. Mabuti na lamang at matatalas ang ating mga labor inspector na kumakatawan sa secretary of labor kaya hindi makalulusot ang katamaran na sinasadya ng iba. Ang siste nga lang, hindi pa rin sapat ang kanilang bilang para mag-ikot at isagawa ang regular na audit/inspection and monitoring sa bawat kompanya o organisasyon.

Kaya nga patuloy ang kampanya ng labor department sa pribadong sector at Civil Service Commission naman sa government sector na maging proactive at hindi reactive ang mga nagpapatrabaho.

Kailangang 100% na sundin ang OSH checklist dahil hindi maaaring ikumpara ang katawan ng isang tao sa bumaluktot na bakal na puwedeng tunawin at ibalik sa dati nitong itsura.

Kailangang magsipag at iwasan ang pagbibigay ng konsiderasyon sa mga bumabali sa OSH rules.  Dahil kung patuloy itong kukunsintihin, baka mas lumobo ang bilang ng mga magiging biktima dahil sa poor OSH performance sa darating na mga panahon.

Hindi titigil ang inyong lingkod sa pagsawata at paglaban sa mga anomalya at mga maling nakasanayan. Patuloy tayong magtataguyod ng positive safety and health culture sa buong bansa.