Home NATIONWIDE Mas mahigpit na pagsunod sa gun ban ipinanawagan kasunod ng Antipolo road...

Mas mahigpit na pagsunod sa gun ban ipinanawagan kasunod ng Antipolo road rage

MANILA, Philippines – Ipinanawagan ni Ang Probinsyano Party-list Rep. Alfred Delos Santos ang mahigpit na pagpapatupad at pagsunod ng publiko sa gun ban ng Commission on Elections (Comelec) kasunod ng road rage sa Antipolo City.

Ani Delos Santos, makapagliligtas ng buhay ang pagiging kalmado at unawaan sa kalsada.

“Nakakalungkot ang nangyari sa Antipolo road rage incident, walang buhay ang dapat nawala at hindi dapat nagkasakitan dahil lamang sa nagkainitan ng mga ulo at dahil din sa tila hindi nasunod ang batas, ang imposition ng gun ban na umiiral ngayong panahon ng eleksyon,” saad sa pahayag ni Delos Santos.

Ipatutupad ang gun ban hanggang Hunyo 11 sa pagsasagawa ng halalan.

Iginiit din ni Delos Santos ang responsible gun ownership “to prevent reckless and accidental incidents that will cause a lifetime impact against all parties involved.”

Dagdag pa, isinusulong din ng mambabatas ang mas mahigpit na parusa para sa road rage offenders.

“Ang mga kalsada ay para sa lahat. Bilang mga mamamayan na gumagamit ng mga ito, lahat po tayo ay may obligasyong maging magalang at disiplinado para sa ating kapwa,” dagdag ni Delos Santos. RNT/JGC